PLTCOL ROGELYN C PERATERO NG CNPPO GINAWARAN NG PARANGAL NI PBBM BILANG ISA SA NATATANGING KABABAIHAN SA PILIPINAS SA LARANGAN NG LAW ENFORCEMENT AT NATIONAL SECURITY

PLTCOL ROGELYN C PERATERO NG CNPPO GINAWARAN NG PARANGAL NI PBBM BILANG ISA SA NATATANGING KABABAIHAN SA PILIPINAS SA LARANGAN NG LAW ENFORCEMENT AT NATIONAL SECURITY

Tumanggap ng isa sa kapuri-puring parangal ang hepe ng Provincial Community Affairs and Development Branch ng Camarines Norte Police Provincial Office na si PLTCOL ROGELYN C PERATERO nito lamang Marso 22, 2023 dakong ika 4:00 ng hapon na ginanap sa Malacañang Palace, Jose P Laurel Sr, San Miguel, Manila, Metro Manila.

Ang nasabing parangal ay kaugnay sa seremonya ng Outstanding Women in Law Enforcement and National Security (OWLENS) 2023 na kung saan isa si PLTCOL PERATERO sa sampung mga kababaihan sa iba’t ibang larangan ang nagbigyan ng pagkakataon na gawaran ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr ng nasabing parangal.

Si PLTCOL ROGELYN C PERATERO ay ipinanganak noong Agosto 29, 1975 sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte. Isang simple at tipikal na babae na nagmula sa isang payak na pamilya ngunit may mataas na pangarap. Siya ay sumali sa marangal na propesyon ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas noong Nobyembre 8, 1996. Siya ay nagsimula sa mababang ranggo hanggang sa narating niya ang ang kanyang kasalukuyang ranggo bilang Police Lieutenant Colonel. Naging hepe ng Pulisya sa siyam (9) na munisipalidad sa probinsya ng Camarines Norte na kung saan hindi lingid sa kaalaman ng lahat na bawat himpilan na kanyang nahawakan ay nakikilala pagdating sa operational accomplishments. Sa kasalukuyan, siya ang hepe ng Provincial Community Affairs and Development Branch, Women and Children Protection Desk at Public Information Officer ng CNPPO.

Sa kanyang dediskayong makapaglingkod sa maraming mamamayan at dahil na rin sa kanyang inisyatibo at malikot na kaisipan, siya ay nagkonsepto at nagpatupad ng iba’t ibang programa para sa pagpapataas ng kalidad ng buhay ng mga nangangailangang Camnorteño. Kabilang dito ang pagtatag ng Indigenous People’s Desk sa lahat ng himpilan ng pulisya sa probinsya ng Camarines Norte na ipinatupad rin ng Police Regional Office 5 at maging sa buong Pilipinas. Isa rin sa programang kanyang pinangunahan ay ang PROJECT B.U.K.A.L. o ang pagbibigay ng sistema ng maayos at malinis na patubig para sa mga IP katuwang ng Members Church of God International at iba pang ahensya ng gobyerno. Pinangunahan rin niya ang paglalatag ng mga programa sa pamamagitan ng pagsasagawa ng PROJECT A.K.A.P (Alay sa Kabarangay/ Kababaihan/Kabataan ng Pulis) na kung saan maging ang pinaka kasuluk-sulokang barangay sa probinsya ng Camarines Norte ay kanyang nararating kasama ng iba’t ibang ahensya mabigay at maihatid lamang ang nararapat na tulong sa taong bayan na lubos na nangangailangan ng ayuda. Regular din ang pagsasagawa ng PROJECT HUNTAHAN o ang pakikipag diyalogo sa iba’t ibang sektor ng komunidad upang alamin ang mga isyu at iba’t ibang problema na gusto nilang maipaabot sa kapulisan, pagsasagawa ng mga Drug Clearing Operations na mas lalong nagpapalakas ng multi-agency collaboration tungo sa isang mapayapa at progresibong Camarines Norte, PROJECT KABALIKAT kaagapay ng mga programang PROJECT PEACE na inilalatag katuwang ng iba pang nagpapatupad ng batas laban sa COVID 19, Project KABARKADA (KABARangay Kontra at Ayaw sa DrogA); Project ABAKADA (Ayawan, BAtikusin, KAlabanin ang DrogA) at KKDAT (Kabataan Kontra Droga at Terorismo) bilang epektibong programa laban sa kriminalidad, ilegal na droga, at terorismo.

Sa kanyang mahigit dalawang dekadang paglilingkod sa PNP, nakakuha siya ng maraming pagkilala bilang patotoo sa kanyang katalinuhan at kahusayang makapaglingkod ng tapat sa bawat mamamayan. Siya ngayon ay isang inspirasyon sa kanyang kapwa kababaihan.

Ang mga nanalo sa OWLENS ay sina BGEN FATIMA CLAIRE S NAVARRO MC, LIEUTENANT COMMANDER LADY CHATTERLY ALVARO-SUMBELING PH, MAJOR BERYL CHARITY T BACOLCOL PN (M), COL MA. CHRISTINA O BASCO PAF (GSC), MAJOR LEAH JOY O LOPEZ PAF at si CAPTAIN MARISSA ARLENE A MARTINES PN (GSC) ng Armed Forces of the Philippines, DR. CYNTHIA P SALOMA, PhD ng UP Philippine Genome Center, ANNA LIRA A REYES ng National Bureau of Investigation at si PSSG IDY ANN P ACA-AC at PLTCOL ROGELYN C PERATERO ng Philippine National Police.

Ang sampung kakabaihan na ginawaran ng parangal ay pinili sa pamamagitan ng ilang screening at selection stages mula sa mga nominado na isinumite ng mga ahensyang inatasang magpatupad ng mga batas at mga sundalo sa pagtatanggol sa ating inang bayan. Ang Project OWLENS Philippines ay nakasentro sa kababaihan at naglalayong himukin at bigyan ng inspirasyon ang mga babaeng tagapagpatupad ng batas at sundalo na maging mahusay sa kanilang napiling propesyon.

Source/photo: CNPPO PIO