Inilabas na ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Lunes ang updated calendar of activities para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) na itinakda sa Oktubre 30.
Batay sa Comelec en banc Resolution 10902, ang election period at pagpapatupad ng gun ban ay mula Agosto 28 hanggang Nobyembre 29.
Ang paghahain naman ng Certificates of Candidacy (COCs) ay mula Agosto 28 hanggang Setyembre 2.
Simula Setyembre 3 hanggang Oktubre 18, ipinagbabawal ang pangangampanya. Ito ang magbibigay daan para sa campaign period sa Oktubre 19 hanggang Oktubre 28.
Ipinagbabawal muli ang pangangampanya mula Oktubre 29 hanggang Oktubre 30, kasama ang pagbebenta, pagbili, o pag-inom ng nakalalasing na alak.
Sa Araw ng Halalan sa Oktubre 30, ang pagboto ay magsisimula alas 7 ng umaga hanggang alas 3 ng hapon.
Samantalang ang pagbibilang at canvassing ng mga boto at proklamasyon ng mga nanalong kandidato ay agad na magpapatuloy pagkatapos ng pagsasara ng botohan, ayon sa Comelec.
Ang huling araw naman para maghain ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ay nakatakda sa Nobyembre 29.
Matatandaan na ang Barangay at SK Elections ay paulit-ulit na ipinagpaliban mula noong 2016 at noong Oktubre 2022 nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang batas na naglilipat sa dapat na Disyembre 2022 BSKE sa huling Lunes ng Oktubre 2023.
Photo: COMELEC