Nitong Abril 9, 2023 dakong 4:56 ng hapon nang makatanggap ng report ang San Vicente PNP tungkol sa isang aksidente na nagyari dakong 4:20 ng hapon sa P-5, Brgy. San Jose, San Vicente, Camarines Norte kung saan dalawang sasakyan ang nasangkot sa nangyaring insidente.
Ang mga sangkot na sasakyan ay kinabibilangan ng isang Fuso Canter Ref Van na minamaneho ni alias Joseph, 36 anyos at nakatira sa Brgy San Roque, Mercedes, Camarines Norte at may sakay na humigit kumulang 22-katao at isang TMX Alpha Hauler na minamaneho naman ni alias Julius na nakatira sa Brgy Man-ogob, San Vicente, Camarines Norte na may sakay na 11-katao.
Ayon sa ulat, habang binabaybay ng nabanggit na FUSO Canter Ref Van ang kurbadang paakyat na bahagi ng daan mula sa Barangay Iraya Sur patungo sa barangay San Jose Proper, bayan ng San Vicente, diumano ay nawalan ng kontrol ang driver nito na nagresulta sa pag-atras at pagbangga nito sa kasunudang hauler at pagkatapos ay bumangga rin ito sa poste ng CANORECO na naging sanhi sa pagkatumba ng nasabing poste, pagkahulog ng mga nakasakay at pagkaipit ng isang binatilyo. Dalawa namang sakay ng FUSO Canter Ref Van at dalawa rin sa nabanggit na hauler ang nagtamo ng mga pinsala sa kanilang katawan na agad na dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital upang malapatan ng lunas ngunit isa sa mga ito na kinilalang si SYRO MONTERO y Frago, 24 anyos, binata, at residente ng P-4, Brgy San Roque, Mercedes, Camarines Norte na sakay ng FUSO Canter Ref Van ang naipit at idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Samantala, nagsagawa naman ng masusing imbestigasyon at ocular inspection ang himpilan ng San Vicente sa lugar ng insidente.
Sa kasalukuyan ay nasa kostudiya na ng kapulisan ng San Vicente ang driver ng FUSO Canter Ref Van at mga sangkot na sasakyan para sa kaukulang disposisyon.



Source/photo: CNPPO PIO