Kulungan ang kinahantungan ng nasa 4 na personahe matapos na maaresto sa mga isinagawang operasyon ngayong semana santa ng mga kapulisan kontra iligal na droga sa magkakahiwalay na bayan sa probinsya sa loob ng isang linggo mula Abril 3 – 9, 2023.
Isang 32-anyos na lalaking kabilang sa Regional Drug Related Data Integration and Generation System (DRDIGS) at miyembro ng Rey Gutierrez Drug Group ang naaresto sa bayan ng Daet noong Abril 4, 2023 kung saan nakumpiska sa suspek ang nasa 5.1236 gramo na hinihinalang iligal na droga na may tinatayang halaga na Php 33, 216.00.
Natimbog naman sa bayan ng Mercedes ang isang lalaking tulak umano ng iligal na droga sa kanilang ikinasang buy-bust operation noong Abril 4, 2023 dakong 9:15 ng gabi sa Purok 1B, Brgy. San Roque, Mercedes, Camarines Norte. Nakuha sa pangangalaga ng suspek ang nasa 0.2453 gramo ng hinihinalang iligal na droga na may estimated amount na Php1,668.04.
Isa namang 33-anyos na residente ng Purok-3, Brgy. Masalong, Labo, Camarines Norte na tulak umano ng iligal na droga ang nasakote sa bayan ng Labo nitong Abril 5, 2023 kung saan nakumpiska sa suspek ang nasa 0.3666 bigat ng hinihinalang iligal na droga na may katumbas na halaga na Php 2,492.88.
Nalambat naman ang isang lalaking tulak umano ng iligal na droga sa bayan ng Capalonga MPS sa kanilang ikinasang drug buy-bust operation noong Abril 5, 2023 dakong 1:00 ng madaling araw sa Purok-1, Brgy Catabaguangan, Capalonga, Camarines Norte. Narekober sa kostudiya ng suspek ang nasa 0.5245 gramo na may tinatayang halaga na Php 3,566.00. Sa kabuuan ng operasyon laban sa ipinagbabawal na droga ngayong semana santa ay may tinatayang 6.26 gramo na may katumbas na halagang Php 40,942.92 ang nakumpiska mula sa mga suspek.
Pinapurihan naman ni CNPPO Provincial Director, PCOL ANTONIO C BILON JR, ang lahat ng masisigasig at mga dedikadong kapulisan sa likod ng matagumpay na operasyon kontra iligal na droga ngayong semana santa na nagresulta sa pagkakadakip ng apat katao. Aniya, “Huwag nilang maliitin ang mga kapulisan dito sa probinsya ng Camarines Norte, sapagkat hindi uubra ang kanilang mga katapangan na magkalat ng mga iligal na gawain dito. Ang Pulis Bantayog ay hindi natutulog, mabantayan lamang ang bawat mamamayan dito laban sa kriminalidad at anu pa mang uri ng iligal at masasamang gawain”.
Source: CNPPO PIO