ABISO SA PUBLIKO
April 13, 2023
Ang Department of Health Bicol Center for Health Development (DOH Bicol CHD) ay nagbibigay abiso sa publiko na nagkaroon ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Bicol Region. Base sa datos na nakalap mula April 2 hanggang April 8, 2023, nakapagtala ng 26.31% na pagtaas ng kaso sa kabikolan kumpara sa nagdaang linggo (March 26, 2023 to April 1, 2023).
Kaugnay ng pagtaas ng kaso, inaabisuhan ng Kagawaran ang publiko patungkol sa kahalagahan ng pagsusuri ng panganib sa bawat aktibidad o lugar na pupuntahan. Hinihikayat pa rin ang pagsuot ng face mask lalo na sa matatao at kulob na lugar. Ugaliin rin ang tamang paghuhugas ng kamay at paggamit ng 70% alcohol-based sanitizer. Itong mga paraan na ito ay mahalaga upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19 at iba pang mga nakahahawang sakit.
Ipinapaalala rin ng Bicol CHD ang kahalagahan ng pag-isolate at pananatili sa bahay kung nakararanas ng flu-like symptoms tulad ng lagnat, ubo, sipon, sore throat at iba pa. Bisitahin ang pinakamalapit na health facility at magpasuri kung kinakailangan.
Ang pagpapabakuna o booster ay napatunayang mabisang paraan upang maiwasan ang malubha at kritikal na sintomas ng COVID-19. Lubos na mahalaga ang pagpapabooster upang mas mapalakas ang proteksyon laban sa naturang sakit.
Higit tatlong taon na ang COVID-19 ngunit hindi pa rin ito tuluyang nawawala sa kadahilanan na mayroon pa ring mga nahahawa. Ang tuluyan na pagsugpo ng sakit na ito ay nakasalalay sa bawat indibidwal. Sundin ang mga paraan na nabanggit. Ito ay hindi lang mga paraan para sa pag-iwas ng COVID-19 kundi pati ibang mga nakahahawang sakit.
From DOH Bicol CHD