ISA (1) PATAY, DALAWA (2) SUGATAN SA SALPUKAN NG DALAWANG MOTORSIKLO SA BAYAN NG DAET

ISA (1) PATAY, DALAWA (2) SUGATAN SA SALPUKAN NG DALAWANG MOTORSIKLO SA BAYAN NG DAET

Isa ang patay dalawa ang sugatan sa naiulat na aksidenteng kinasasangkutan ng dalawang motorsiklo na naganap dakong 1:05 ng madaling araw, Abril 15, 2023 sa kahabaan ng San Lorenzo Ruiz Road, Barangay Magang, Daet, Camarines Norte.

Ang aksidente ay agad na naipaabot ng isang concerned citizen sa pulisya na agad namang tinugunan ng mga imbestigador ng himpilan ng Daet MPS sa ilalim ng superbisyon ni PLTCOL BON BILLY D TIMUAT, Chief of Police.

Ayon sa paunang imbestigasyon na isinagawa ng mga kapulisan, habang binabaybay ni Romel Nagrampa y Arciga, 29 taong gulang, binata, isang service crew at residente ng Poblacion 1, Barangay Site, Basud, Camarines Norte ang kahabaan ng kalsada mula sa kasentruhan ng bayan ng Daet at patungo sa Brgy. Magang, sa kaparehong bayan gamit ang isang Yamaha Mio motorcycle ay aksidenteng nakabanggaan nito ang motorsiklong Honda Wave 125 na minamaneho naman ni Michael Angelo Fedirico y Morales, 21 taong gulang, binata kasama ang angkas nito na si John Roy Nagera y Efondo, 21 taong gulang, binata, at pawang mga residente ng Purok 6 Barangay Mampurog, San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte. Ang dalawang biktima ay nagmula naman sa bayan ng San Lorenzo at patungo sana sa sentro ng Daet.

Agad na dinala ang mga biktima sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) ng mga rumespondeng kapulisan katuwang ang miyembro ng MDRRMO-Daet upang mabigyan ng pangunang lunas, ngunit sa kasamaang palad, idineklarang DOA ng nakatalagang doktor ang isa sa mga biktima na kinilalang si Romel Nagrampa y Arciga. Samantala, ang pangalawang motorsiklo na minamaneho naman ni Michael Angelo Fedirico y Morales at ang angkas nito na si John Roy Nagera y Efondo ay nagtamo ng mga pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na kasalukuyang nasa pangangalaga ng nasabing ospital.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ukol sa nangyaring aksidente at pagmonitor sa kondisyon ng dalawang personaheng nabanggit. Ang labi naman ng biktima ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng Arana Funeral Homes, Poblacion 2, bayan ng Basud.

“Kaya muling kong pinaaalalahanan ang mga motorista na palaging unahin ang kaligtasan, maging disiplinado sa pagmamaneho at sundin ang mga pinaairal na batas trapiko.” – PLTCOL BON BILLY D TIMUAT.

Source/photo: CNPPO PIO