Nitong Hulyo 7, 2023 dakong alas 5:30 ng hapon nang makatanggap ang himpilan ng San Lorenzo Ruiz MPS ng report tungkol sa insidente nang pananaga na nangyari dakong alas dose ng tanghali sa parehong araw sa Purok 8, Brgy. Daculang Bolo, San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte.
Ang biktima ay kinilalang si alyas AYE, 39 taong gulang, binata, samantala ang suspek ay nakilalang si alyas IAN, 28 anyos, binata at pawang residente ng nabanggit na lugar. Ang mga nabanggit na personahe ay magkapatid sa ina.
Ayon sa ulat, nakatanggap umano ang himpilan ng San Lorenzo Ruiz ng report mula kay BPSO Ibasco na may insidente ng pananaga sa nasambit na lugar. Agad namang nagtungo ang mga tauhan ng San Lorenzo Ruiz upang rumesponde at mahuli ang nabanggit na suspek. Ayon sa salaysay ng ina ng mga biktima at suspek, habang ang dalawa ay nasa impluwensya ng alak ay nagkaroon ng mainitang diskusyon at pagtatalo na nagresulta sa pananaga ng suspek sa biktima. Agad namang dinala ang biktima sa Camarines Norte Provincial Hospital ng kanyang ina upang malapatan ng lunas. Mabilis namang tumakas ang suspek sa di matukoy na direksyon.
Ang nabanggit na biktima ay kasalukuyang nagpapagaling sa Camarines Norte Provincial Hospital. Agad namang nagsagawa ng follow-up investigation at hot pursuit operation ang mga tauhan ng San Lorenzo Ruiz upang mahuli ang suspek.
Samantala, nito lamang alas 11:30 ng umaga ay itinurn-over ng mga opisyales ng nasabing brgy ang suspek sa himpilan ng San Lorenzo Ruiz matapos itong boluntaryong isuko ng kanyang mga magulang sa barangay.
Ang nasabing personahe ay nasa kostudiya na ng nasambit na himpilan para sa kaukulang disposisyon.

Source/photo: CNPPO PIO