Isang aksidente ang naganap kanina lamang alas 9:00 ng umaga nitong Hulyo 13, 2023 sa Purok-2, Brgy. Bulala, bayan ng Sta. Elena.
Sangkot sa nasabing aksidente ang isang DLTB Bus, kulay pula/puti na may plaka na TYX997 na minamaneho ni alias ARNOLD, 47 taong gulang at residente ng Purok-2, Calasgasan, Daet, Camarines Norte (Vehicle 1) at isang Nissan Sentra, na may plaka na GHK758, kulay puti na minamaneho naman ni alias BONG, 45 taong gulang at residente ng 1812 Evangelista St. Brgy Bangkal, Makati City (Vehicle 2).
Ayon sa isinagawang imbestigasyon ng kapulisan, habang binabagtas ng Nissan Sentra (Vehicle 2) ang kalsada mula sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte patungong Maynila at pagdating sa lugar ng insidente, dahil sa masamang lagay ng panahon at madulas na kalsada ay nawalan ng kontrol ang driver sa isang kurbada na naging dahilan ng pagbangga sa kasalubong na DLTB Bus sa kaliwang unahang bahagi ng nasambit na bus. Agad namang rumesponde ang mga kapulisan ng Sta Elena at sa kabutihang palad ay wala namang naiulat na nasugatan o nasaktan sa nasabing aksidente, gayunpaman ang parehong mga sasakyan ay nagkaroon ng hindi pa matukoy na halaga ng mga pinsala.
“Muling pinapaalalahanan ng inyong Pulis-Sta. Elena ang lahat ng maglalakbay na mag doble ingat sa pagmamaneho at pagbyahe lalo ngayong panahon ng tag-ulan. Laging isaalang-alang ang kaligtasan sa kalsada upang makauwing ligtas sa pamilya.” –ayon kay PCPT FLORES.


Source/photo: CNPPO PIO