Sa pinagsanib na pwersa ng mga tauhan ng RPDEU, Paracale MPS, DEU CNPPO at ng Camarines Norte Provincial Intelligence Unit ay ikinasa ang isang Search Warrant Operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mag-asawa na konektado sa iligal na droga dakong 11:50 ng gabi nitong Hulyo 19, 2023 sa Purok 6, Brgy. Bagumbayan Paracale, Camarines Norte.
Ang nasabing mga target ng operasyon ay ang mag-asawa na kinilalang sina alias JOM, 56 taong gulang, at si alias SHE, 50 anyos, at residente ng nabanggit na lugar. Isinilbi sa nasabing mga suspek sa mismong bahay nito ang Search Warrant No. D-17-2023. Ang nabanggit na operasyon ay nasaksihan ng mga mandatory witnesses na kinabibilangan ng kinatawan ng media at ng mga opisyales ng nasabing barangay.
Nakuha at nasamsam sa operasyon ang mga sumusunod na ebidensya:
-Tatlong piraso (3) ng malalaking selyadong plastik na pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu; at
-Dalawa (2) pang piraso ng katamtamang laki ng selyadong plastik na pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Ang mga naarestong suspek ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng himpilan ng Paracale MPS. Samantala, ang mga nakumpiskang iligal na droga ay tinatayang umaabot sa timbang na 20 gramo na may market value na umaabot sa halagang Php 136,000.00.
Samantala, kasong paglabag sa RA 9165 ang kakaharapin ng mga nasabing suspek.
Sa isinagawang operasyon, dito natin makikita na hindi talaga biro ang mga taong gusto at may kakayahang magpakalat ng iligal na droga dito sa ating lugar. Hahayaan po ba nating magpatuloy ang mga ganitong gawain? Hindi natin alam kung sino-sino pa ang mga nagbabantang lasunin at sirain ang kinabukasan ng mga kabataang pilit nating pinoproteksyunan. Sa kabila nito, ito lamang po ang aming maipapangako, hindi kami titigil upang tugisin ang lahat ng nagpapakalat ng iligal na droga at gumagawa ng anumang iligal na gawain dito sa probinsya ng Camarines Norte. Makakaasa ang lahat na ipagpapatuloy ng inyong Pulis Bantayog ang pagtugis sa kanila.”-PCOL BILON.


Source/photo: CNPPO PIO