ANIM NA PARANGAL, NASUNGKIT NG CNPPO SA ISINAGAWANG 28TH POLICE COMMUNITY RELATIONS MONTH CULMINATING CEREMONY NA GINANAP SA POLICE REGIONAL OFFICE 5

ANIM NA PARANGAL, NASUNGKIT NG CNPPO SA ISINAGAWANG 28TH POLICE COMMUNITY RELATIONS MONTH CULMINATING CEREMONY NA GINANAP SA POLICE REGIONAL OFFICE 5

Buong saya at galak na tinanggap ng mga Ale at Mamang Pulis ng Camarines Norte Police Provincial Office na pinangunahan ni PCOL ANTONIO C BILON, JR, Provincial Director ang mga iginawad na parangal para sa pagdiriwang ng 28th POLICE COMMUNITY RELATIONS MONTH CULMINATING CEREMONY kanina, Hulyo 31, 2023 dakong alas 7:30 ng umaga kasabay ng regular na Monday Flag Raising Ceremony sa Camp BGen Simeon A Ola, Legazpi City. Sa nasabing programa, pinangunahan ito ni Atty. Ma. Edelyn A Zaragoza-Ventura, Presidente ng Integrated Bar of the Philippines-Albay bilang panauhing pandangal ang paggawad ng mga parangal mula kay PRO5 Regional Director PBGEN Westrimundo D Obinque bilang pagkilala sa mga ipinakita at ipinamalas na katangi-tanging kagalingan ng mga kapulisan sa lalawigan ng Camarines Norte sa larangan ng Police Community Relations (PCR).

Kinilala at ginawaran ng parangal ang Camarines Norte Police Provincial Office bilang Outstanding PPO kung saan buong tuwa at pagmamalaking tinanggap ng masipag at masigasig na Provincial Director ng CNPPO na si PCOL ANTONIO C BILON, JR ang nasabing parangal. Nakuha naman ng Sta Elena MPS ang parangal bilang Outstanding Municipal Police Station na tinanggap ng kanilang Officer In-Charge na si PCPT ROBERTO FLORES JR. Nasungkit naman ni PLTCOL ROGELYN C PERATERO, Chief PCAD ng CNPPO ang pagkilala at parangal bilang Outstanding Senior PCO; at PCpl Joyciel M Balanac mula sa Sta. Elena MPS bilang Outstanding Junior PNCO.

Para naman sa NAPOLCOM Awardees for Best Community Service Oriented Policing (CSOP) System Projects ay nakuha ng Camarines Norte Police Provincial Office ang parangal para sa proyektong inilunsad na PROJECT KABALIKAT (Kapulisan KAagapay sa BArangayanihan ng Lipunan Kontra Krimen, Droga at Terorismo) para sa Special Category Regional Level at Main Category Regional Level awardee naman ang Sta. Elena MPS para sa kanilang PROJECT ELENA (Enhanced Law Enforcers Neighborhood Assistance.

Dito makikita na mas pinalakas at pinatibay ang ugnayan ng kapulisan, komunidad at mga nanunungkulan sa lalawigan na naging daan para sa mas malalim na unawaan, kooperasyon, at pagtutulungan upang mas epektibong magampanan ang mga tungkulin ng kapulisan at matugunan ang mga pangangailangan at kahilingan ng mamamayan para sa ligtas at maayos na lalawigan.

Lubos ang pasasalamat ni PCOL ANTONIO BILON, JR sa mga natanggap na parangal ng Camarines Norte sa larangan ng Police Community Relations. “Ipagpapatuloy ng inyong kapulisan ang nasimulang magandang serbisyo sa komunidad at patuloy na makikinig sa mga pangangailangan, hinaing, at mga suliranin ng ating mga mamamayan. Mas lalo pa nating palalakasin ang pagpapaliwanag at pagbibigay ng impormasyon sa mga polisiyang ating ipinatutupad, lalo na ang mga programa at proyekto na inilalatag ng naglalayong magbigay ng kaalaman sa seguridad, batas, at mga karapatan ng mga mamamayan dito sa ating lalawigan. Sa ating pagkakaisa, malasakit at sama-samang pagsisikap, malalampasan natin ang mga hamon at magiging daan ito tungo sa isang lipunang ligtas, maayos, at nagkakaisa”.-PCOL BILON.

Source: CNPPO PIO