AKSIDENTE SA BAYAN NG DAET NA KINASANGKUTAN NG ISANG MOTORSIKLO AT ISANG TOYOTA FORTUNER, 2 SUGATAN!

AKSIDENTE SA BAYAN NG DAET NA KINASANGKUTAN NG ISANG MOTORSIKLO AT ISANG TOYOTA FORTUNER, 2 SUGATAN!

Isang aksidente sa kalsada ang naganap sa Diversion Road, Crossing San Vicente Road, Barangay Lag-On, Daet, Camarines Norte sa ganap na 12:01 ng madaling araw Nitong Setyembre 6, 2023 ang nirespondehan ng mga kapulisan ng Daet MPS.

Ang mga sangkot na sasakyan ay kinabibilangan ng isang Toyota Fortuner (V1) na minamaneho ni alias Ferdz, 52 taong gulang, may asawa at sakay nitong  si Resty, 59 taong gulang, may asawa at pawang mga residente ng Trinidad Ext, Barangay I, Lucena City at isang Motoposh na motorsiklo (V2) na minamaneho naman ni alias Chris, 48 taong gulang, may asawa, at residente ng Purok 1, Barangay San Francisco, Talisay, Camarines Norte at ang angkas nito na si alias Jane, 49 taong gulang, at residente ng Purok 4, Barangay III, Daet, Camarines Norte.

Ayon sa paunang imbestigasyon na isinagawa ng Daet PNP, habang binabaybay ng Toyota Fortuner (V1) na minamaneho ni Ferdz ang kalsada mula sa San Vicente Road patungo sa bayan ng Daet at pagdating sa intersection/crossing ng Barangay Lag-on, bayan ng Daet ay aksidenteng nakasalpukan nito ang isang motorsiklo (V2) na binabagtas naman ang kahabaan ng Maharlika Highway Diversion Road mula sa bayan ng Talisay, Camarines Norte patungo sa bayan ng Basud. Ang dalawang sakay ng motorsiklo ay nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang ang sakay naman ng Toyota Fortuner ay ligtas at walang anumang pinsalang natamo.

 Agad na dinala ang mga biktima sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) ng mga rumespondeng kapulisan katuwang ang miyembro ng MDRRMO-Daet upang mabigyan ang mga ito ng pangunang lunas.

Ang mga sangkot na sasakyan naman ay dinala sa himpilan ng Daet Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon. Samantala, nagsagawa naman ng ocular inspection at masusing imbestigasyon ang Daet MPS ukol sa nasabing insidente.

Source: CNPPO PIO

Photo: Naome Christian Yarte Nollido