ISANG LALAKING SENIOR CITIZEN, PINATAY NG NAKAALITAN, SUSPEK HULI SA HOT-PURSUIT OPERATION

ISANG LALAKING SENIOR CITIZEN, PINATAY NG NAKAALITAN, SUSPEK HULI SA HOT-PURSUIT OPERATION

Bandang alas 3:30 ng hapon nitong October 21, 2023, isang tawag ang natanggap ng himpilan ng Paracale MPS ukol sa naganap na pamamaril sa lugar ng Purok 5, Barangay Bagumbayan, Paracale, Camarines Norte. Agad na rumesponde ang kapulisan ng Paracale MPS upang beripikahin ang report at naabutan naman ang biktima sa nasabing lugar na nakahandusay na at may tama ng bala.

Kinilala ang biktima na si Pionerie Flores y Villaluz, 62 taong gulang, may asawa, isang magsasaka at residente rin ng nasabing lugar, habang ang suspek ay natukoy ng kapulisan bilang si alias “JAY” na residente naman ng Barangay Poblacion Sur, Paracale, Camarines Norte.

Ayon sa isinagawang imbestigasyon ng kapulisan ng Paracale MPS, nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang suspek at biktima na nagresulta sa pamamaril ng suspek, na agaran ding tumakas matapos ang insidente. Bunsod nito, hiningi ng himpilan ang tulong ng SOCO team para sa pagproseso ng crime scene. Agaran ding isinagawa ng Paracale MPS ang follow-up investigation kaugnay nito at paglunsad ng hot-pursuit operation para mahuli ang suspek.

Nitong alas 11:30 ng umaga, Oktubre 22, 2023 ng madakip ang suspek ng kapulisan ng Paracale kaugnay sa inilunsad nitong hot-pursuit operation sa Purok 1, Barangay Pinagbirayan Munti, Paracale, Camarines Norte. Narekober rin sa suspek ang hinihinalang ginamit sa pamamaril na isang caliber .38 na rebolber na gawa ng Smith and Wesson.

Sa kasalukuyan ay nasa kostudiya na ng Paracale MPS ang suspek at mga nakalap na ebidensya para sa kaukulang disposisyon.

Source: CNPPO PIO