Dakong alas 11:30 ng umaga nito lamang Nobyembre 1, 2023, isang concerned citizen ang humingi ng tulong sa kapulisan ng 2nd Maneuver Platoon ng First PMFC na nakabase sa Barangay Tuaca, Basud, Camarines Norte at ipinaalam ang aksidenteng naganap sa nasabing lugar na kinasasangkotan ng isang traysikel at isang puting truck dropside na may crane.
Agad namang rumesponde sa nasabing aksidente ang mga kapulisan at batay sa inisyal na imbestigasyon at ayon sa panayam sa isang testigo na residente ng Lupi, Camarines Sur, diumano’y habang nagmamaneho siya ng kanyang sasakyan mula sa Camarines Sur patungong bayan ng Daet, Camarines Norte, nakita niya ang nasabing traysikel na nasa kanyang unahan at binabaybay ang kaparehong direksyon. Ayon dito, pagdating sa matulis na kurbadang bahagi ng kalsada ay na-overshoot nito ang linya ng kabilang kalsada at aksidenteng nasagi ang isang kasalubong na truck. Dahilan upang mawalan ng kontrol ang nasabing traysikel at tuluyang mahulog sa gilid ng kalsada. Nagtamo ng matinding sugat sa katawan ang drayber ng traysikel na kinilalang si Rod Buenaflor, 30 taong gulang, may asawa, isang manggagawa, at residente ng Purok 1, Barangay Orangehill, Jose, Panganiban, Camarines Norte habang ang kanyang apat (4) na pasahero ay nagtamo rin ng minor injuries. Wala namang naging pinsala sa drayber ng truck na kinilalangn si Ricky Dacuba y Perillo, 40 taong gulang at residente ng San Lucas, Lipa City, Batangas at helper nito.
Isinugod ng mga rumespondeng tauhan ng MDRRMO-Basud sa Camarines Norte Provincial Hospital, Daet, Camarines Norte ang drayber ng traysikel at apat (4) na pasahero, ngunit sa kasamaang palad ideneklarang dead-on-arrival ni Dr. Ismael Zantua ang drayber na si Rod.
Ang mga sangkot na sasakyan ay nagtamo naman ng hindi pa matukoy na halaga ng pinsala. Sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Basud PNP ukol sa nasabing insidente. Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng Basud MPS ang drayber ng truck at mga sasakyang sangkot sa insidente.
Paalala naman ng Basud PNP sa pamumuno ni PMAJ EVA O GUIRUELA, Chief of Police na kinakailangan ang ibayong pag-iingat sa pagmamaneho dahil sa madulas na kalsada dulot ng biglaang pagsama ng panahon at panaka-nakang pag-ulan.



Source: CNPPO PIO