Isa ang patay habang apat naman ang sugatan sa nangyaring aksidenteng pagbangga ng isang sasakyan sa isa pang sasakyang sakay ng tatlong katao na naganap dakong 7:30 ng umaga nitong Disyembre 28, 2023 sa kahabaan ng kalsada sa may bahagi ng Purok-1, Barangay San Vicente, Sta Elena, Camarines Norte.
Ang mga sasakyang sangkot sa aksidente ay isang Nissan frontier na kulay itim na minamaneho ni alyas “Toto”, 64 anyos at residente ng San Rafael, Lagonoy, Camarines Sur sakay nito ang tatlong pasahero na pawang residente rin ng nasambit na lugar habang ang nabangga nito ay isang isang Nissan NV350 Urvan na kulay puti na minamaneho ni alyas “Tope”, 47 anyos, may asawa at residente ng 544, Lucero St, Kanluran, Poblacion, Sta. Rosa, Laguna.
Ayon sa imbestigasyon, habang binabaybay ng sasakyang Nissan NV350 Urvan ang kahabaan ng Maharlika Highway patungo sa direksyon ng Metro Manila ay aksidenteng nabangga ito ng isang Nissan Frontier na naglalakbay naman mula sa kasalungat na direksyon matapos nitong maokupa ang kabilang linya ng kalsada na nagresulta sa tuluyang pagkabanggaan ng dalawang nabanggit na sasakyan (head-to-head collision).
Ang parehong sasakyan ay nagtamo ng mga pinsala na umaabot sa hindi pa matukoy na halaga.
Samantala, ang driver ng Nissan Frontier at ang kanyang 3 pasahero ay agad na dinala sa Rosary of Virgin Mary Hospital ng mga rumespondeng tauhan ng MDRRMO upang malapatan ng lunas habang ang driver ng Nissan NV350 Urvan ay nagtamo ng mga pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito na agad na dinala rin sa nasambit n ospital para sa mga pagsusuring medikal ngunit kalaunan ay binawian ng buhay ayon sa nakatalagang doktor.
Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga na ng Punong Barangay ng nakakasakop na lugar ang mga sasakyang sangkot sa aksidente. Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya ukol sa naganap na insidente.



Source: CNPPO PIO