Arestado sa ikinasang buy-bust operation kontra ilegal na droga ng mga kapulisan na kinabibilangan ng Police Provincial Drug Enforcement Unit (PPDEU) at ng Paracale MPS ang isang lalaking kabilang sa listahan ng Regional Priority Target on Illegal Drugs, dakong 12:22 ng umaga Enero 5, 2024 sa may bahagi ng Purok 7A, Barangay Bagumbayan, Paracale, Camarines Norte.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Mel”, 51 anyos, may asawa, isang mangingisda at residente ng Purok Kamagong, Barangay Poblacion Norte, Paracale, Camarines Norte. Sa ikinasang operasyon, matagumpay na naaresto ang suspek matapos na makabili rito ng isang paketeng hinihinalang “shabu” ang umaktong poseur buyer na mula sa kapulisan. Nakuha rin sa pag-iingat ng suspek ang dalawa pang pirasong hinihinalang pakete ng “Shabu” at isang Php 500.00. Tinatayang umaabot sa 4 gramo ang nasamsam na pinaghihinalaang iligal na droga na may katumbas na halagang umaabot sa Php 27,200.00.
Sa kasalukuyan, ang suspek ay nasa pangangalaga ng Paracale MPS para sa kaukulang disposisyon at pagsampa ng kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng RA 9165.

Source: CNPPO PIO