UNPROGRAMMED FUNDS SA 2024 NATIONAL BUDGET INILAAN NG DIREKTA PARA SA KAPAKINABANGAN NG TAUMBAYAN

UNPROGRAMMED FUNDS SA 2024 NATIONAL BUDGET INILAAN NG DIREKTA PARA SA KAPAKINABANGAN NG TAUMBAYAN

Ipinaliwanag ni Ako Bicol Party List Representative Elizaldy Co na malaking porsyento ng Unprogrammed Funds sa 2024 National Budget ay inilaan direkta para sa kapakinabangan ng taumbayan. Ang hakbang na ito ay naglalayong mapalakas ang social services at maging handa sa ano mang emergency situation na posibleng kaharapin ng bansa.

Ayon kay Cong. Zaldy, ang naturang pondo ay gagamitin sa iba’t ibang programa na magbibigay ng direktang tulong sa mga nangangailangan. Kabilang dito ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP), pagbibigay ng libreng medical assistance, suporta para sa pabahay sa ilalim ng 4Ps program, tulong pang-edukasyon, AKAP at marami pang ibang serbisyo.

Ang desisyon na ito ay bunga ng patuloy na pagsusuri at pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino, lalo na ang mga nasa mahihirap na sector tulad ng inflation. Binigyang-diin ni Cong. Zaldy na ang layunin ng hakbang na ito ay hindi lamang upang tugunan ang kasalukuyang krisis kundi pati na rin ang paghahanda para sa mga posibleng haraping hamon ng bayan tulad ng pandemiya.

Dagdag ni Cong. Zaldy, mahalaga na maramdaman ng ating mga kababayan na nasa likod nila ang gobyerno lalo na sa mga panahong ito ng kagipitan. Ang paglalaan ng malaking bahagi ng Unprogrammed Funds para sa social services ay isang hakbang upang masiguro na walang Pilipinong maiiwan sa ating pag-unlad.

Ipinaalala din ni Cong. Zaldy na ang mga Unprogrammed Allocations ay magagamit lamang kapag may sobra-sobrang kita ang gobyerno, na higit pa sa inaasahang kita sa budget. Ito ay nagmumula sa iba’t ibang pinagkukunan tulad ng mas mataas na koleksyon ng buwis at iba pang non-tax revenues.

Sa pamamagitan ng pondo mula sa sobrang kita, masisiguro ng gobyerno na patuloy ang pagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa taumbayan, kahit na sa mga hindi inaasahang pangangailangan at sitwasyon.