Nito lamang Pebrero 11, 2024, humigit kumulang alas 12:00 ng hating-gabi, dalawang lalaki ang agad na binawian ng buhay habang isang babae ang sugatan sa insidente ng pamamaril sa isang Resto Bar sa Barangay Bagongbayan, Jose Panganiban Camarines Norte.
Ang mga biktima ay kinilalang sina ROGELIO AVILA y ESTRABEL, nasa wastong gulang, may kinakasama at residente ng Purok 1 Brgy. Bagong Silang, Labo, Camarines Norte; MICHAEL DWIGHT DEQUILLO y DE GUZMAN, 31 taong gulang at residente ng Blk 3 Lot 9 Fun St., Conphil 1, San Lorenzo Ruiz, San Pedro, Laguna at ang sugatang biktima ay kinilalang si DIANNE ECHANE y BALABAG, 31 taong gulang, isang sales lady at residente ng Purok Salvacion, Barangay Matoogtoog, Mercedes, Camarines Norte.
Ayon sa ulat, dakong 12:45 ng madaling araw ng Pebrero 11, 2024, nang personal na nagtungo at nagreport sa himpilan ng Jose Panganiban PNP si Barangay Kagawad Kenneth Llaneta ng Barangay Bagongbayan na di umano ay may naganap na pamamaril sa nasambit na barangay. Agad namang nagtungo ang kapulisan upang iberipika ang nasabing report at mag-imbestiga. Ayun sa inisyal na imbestigasyon, habang nag-iinuman ang mga biktima sa Cy(sea) SIDE RESTO BAR na pagmamay-ari ni alias Nancy ay biglang dumating ang suspek sa nasabing lugar at pinagbabaril ang mga biktima gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril. Mabilis namang tumakas ang suspek matapos ang nasabing insidente. Agad namang binawian ng buhay ang 2 lalaking biktima na may mga tama ng bala ng baril sa iba-t ibang bahagi ng kanilang katawan. Agaran namang naisugod sa Camarines Norte Provincial Hospital ang babaeng sugatan para magamot.
Samantala, agad namang nagrequest ng SOCO ang Jose Panganiban MPS upang iproseso ang pinangyarihan ng krimen. Ang mga labi ng 2 biktima ay nakalagak sa Adea Funeral Parlor-Jose Panganiban.
Sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng follow- up investigation upang malaman ang motibo ng pamamaril at hot pursuit operation ang Jose Panganiban MPS para sa agarang pagkakaaresto ng suspek.
“Hinihikayat po natin ang mga taong nakasaksi at may nalalaman ukol sa nangyaring insidente na makipagtulungan at ipaabot ang anumang impormasyon na makakatulong sa pagresolba ng krimen sa kapulisan. – PMAJ MANEGDEG, HERSON U.


Source: CNPPO PIO

