PAMAHALAANG PANLALAWIGAN MAGBIBIGAY NG TULONG PARA SA PAGPAPATAYO NG PERMANENTENG FIRE STATION SA BAYAN NG DAET

PAMAHALAANG PANLALAWIGAN MAGBIBIGAY NG TULONG PARA SA PAGPAPATAYO NG PERMANENTENG FIRE STATION SA BAYAN NG DAET

Ipupursige ng pamunuan ng Daet Municipal Fire Station na makapagtayo ng permanenteng Fire Station dito sa capital town sa tulong ng kasalukuyang Padilla-Ascutia administration at ng lokal na pamahalaan ng Daet.

Sa panayam kay Fire Inspector Socorro Tabaniag, acting Municipal Fire Marshall ng Daet, ipinahayag nito na tiniyak sa kanila ni Governor Ricarte Dong Padilla na tutulong ang pamahalaang panlalawigan para sa konstruksiyon ng Fire Station dito sa Daet na sadyang kinakailangan na dahil sa mabilis na pag-unlad ng capital town ng lalawigan.

Ayon kay Insp. Tabaniag, matagal nang inaasikaso ng Daet Fire sa pangunguna ng dating Municipal Fire Marshal Sr. Inspector Vener Tabaniag na magkaroon ng permanenteng Fire Station ang Daet subalit ang problema nga ay lupa na pagtatayuan.

Naniniwala ang kasalukuyang Acting Fire Marshal na dahil sa pagtutulungan ng pamunuan ng Bureau of Fire Protection, Provincial Government at Local Government Unit ng Daet ay maisasakatuparan sa lalong madaling panahon ang pagtatayo ng Fire Station sa capital town ng probinsya.

Malungkot din na ibinalita ni Insp. Tabaniag na nagpaparamdam na ang pribadong may-ari ng lugar na kinatitirikan ng kasalukuyang fire station sa Central Plaza na parang nais na silang paalisin kaya kinakailangan na talagang maghanap ng lote para pagtayuan ng permanenteng Fire Station.

Ayon pa sa Acting Fire Marshal, suportado nila ang ipinahayag ni Governor Padilla na modernisasyon ng BFP-Daet kagaya ng pagkakaroon ng ladder firetruck dahil sa may mga matataas ng gusali dito sa Daet, fireboat at iba pang mga modernong kagamitan na pamatay sunog.

Pinaghahandaan na din ng BFP ang pagkakaroon ng Fire Substation para sa panunumbalik ng operasyon ng Daet Airport na isasailalim na sa rehabilitation ngayong taon.