Aabot ng mahigit sa kalahating bilyong piso ang matitipid ng pamahalaang panlalawigan kapag naibalik na sa national government ang pangangasiwa at kontrol ng Camarines Norte Provincial Hospital alinsunod sa panukalang batas na inihain na ni 2nd district Congw. Rosemarie Panotes sa mababang kapulungan ng kongreso.
Ito ang inihayag ni Governor Ricarte Dong Padilla matapos na makipagpulong ito kay Congw. Panotes nitong nakatalikod na linggo para talakayin ang House Bill 6937 o may titulong “An act upgrading the Camarines Norte Provincial Hospital into a tertiary level III hospital to be known as Camarines Norte General Hospital, under the direct control, supervision and management of Department of Health, and appropriating funds therefore. o renationalization ng CNPH.
Ayon sa paliwanag ni Governor Padilla, ang matitipid ng provincial government sa pagbabalik ng CNPH sa kontrol at supervision ng DOH ay gagamitin naman para sa pagsasaayos ng iba pang mga pampublikong hospital na nasa ilalim ng pamahalaang panlalawigan kagaya ng Labo District Hospital, Capalonga Medicare and Community Hospital at sa itatayong Basud District Hospital.
Sinabi pa ng punong lalawigan na marami sa kanyang mga kasamahang gobernador ang may komento sa balaking ibalik na sa national government ang CNPH dahil sa mawawalan siya ng political control sa panlalawigang pagamutan.
Subalit ayon kay Governor Padilla ay isinantabi niya ito dahil sa mas mahalaga ang pangkalahatang interes at kagalingan ng publiko sa serbisyong pangkalusugan at medikal.
Samantala dahil naman sa ginawang pakikipagpulong ni Governor Padilla kay Congw. Panotes, Inaasahang mas mapapadali na ang plano ng Padlilla-Ascutia administration na i-upgrade na bilang general hospital ang Camarines Norte Provincial Hospital.
Nakaloob din sa panukalang batas ng kinatawan ng ikalawang distrito ang pagkakaroon ng karagdagang bilang ng mga medical and health personnel gayundin ang bilang ng mga hospital beds upang mas mapaayos ang serbisyong pangkalusugan Dito SA ating lalawigan.
Kapag naisabatas na ang naturang panukala ang pondo ng itatayong general hospital ay kasama na sa budget ng DOH sa ilalim ng Annual General Appropriation Act o pambansang budget.
Ang hakbangin na ito ng Padilla-Ascutia administration na ibalik na sa DOH ang pangangasiwa at kontrol ng naturang pampublikong pagamutan ay bunsod ng kakapusan ng budget ng pamahalaang panglalawigan na iniwan ng nakatalikod na administrasyon.