ISA PATAY SA BANGGAAN NG TRICYCLE AT BUS

ISA PATAY SA BANGGAAN NG TRICYCLE AT BUS

Isang aksidente sa kalsada ang naganap dakong 10:30 ng umaga nitong Mayo 1, 2024 sa Brgy. Talobatib, Labo, Camarines Norte.

Sangkot sa nasabing aksidente ang isang pampasaherong Bus na may plakang EVW252 na minamaneho ni alyas JOB, 51 anyos na residente ng P-6, Brgy. Plaridel, Jose Panganiban, Camarines Norte habang ang kabanggaan nito ay isang pampasaherong tricyle na may plakang 6167EW na minamaneho naman ng isang 13 anyos na lalaki na kinilala sa alyas na ZAI, isang high school student, kasama ang angkas nito na kinilala sa alyas na CHRIS,  29 anyos na pawang mga residente ng P-4 Brgy. Talobatib, Labo, Camarines Norte.

Sa isinagawang imbestigasyon ng mga kapulisan, lumalabas na habang binabaybay ng  Bus ang kahabaan ng kalsada mula sa bayan ng Daet patungo sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte ay aksidenteng sumalpok dito ang kasalubong nitong tricycle matapos na mag overshoot ito at masakop ang bahagi ng kalsada na binabaybay ng nasambit na bus. Naganap ang aksidente sa may kurbadang bahagi ng kalsada dahilan upang ang dalawang sasakyan ay aksidenteng magkabanggaan. Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang driver at backrider ng pampasaherong tricyle na agad namang isinugod sa Labo District Hospital Labo, Camarines Norte upang malapatan ng lunas. Sa kasawiang palad, ang 13 anyos na driver ng tricycle ay idineklarang Dead On Arrival (DOA) ng nakatalagang doktor habang ang kanyang angkas ay inilipat sa Camarines Norte Provincial Hospital sa bayan ng Daet, Camarines Norte para sa karagdagang medikal na atensyon. 

Samantala, ang driver at mga pasahero ng bus ay  wala namang natamong pinsala habang ang dalawang sasakyang sangkot sa aksidente ay may hindi pa tiyak na halaga ng pinsala.

Muli namang nagpaalala ang Labo Municipal Police Station sa publiko lalo na sa mga gumagamit ng sasakyan na maging maingat sa pagmamaneho lalo’t nat sunod-sunod na naman ang naitatalang aksidente sa kalsada.

Source: CNPPO PIO