MAGKAPATID NA BABAENG BIGTIME UMANONG POSEUR, TIMBOG SA DRUG BUY-BUST OPERATION SA BAYAN NG DAET

MAGKAPATID NA BABAENG BIGTIME UMANONG POSEUR, TIMBOG SA DRUG BUY-BUST OPERATION SA BAYAN NG DAET

Dalawang magkapatid na babaeng tulak umano ng iligal ng droga ang nalambat ng mga operatiba ng pulisya na pinangunahan ng mga tauhan ng Provincial Police Drug Enforcement Unit (PPDEU) katuwang ang Daet MPS, CNPIU, 1st PMFC, at PDEA-Camarines Norte sa ikinasang drug buy-bust operation dakong alas 3:20 ng hapon nitong Mayo 17, 2024 sa Happy Homes Fairview III, Purok 6, Brgy. Magang, Daet, Camarines Norte.

Ang mga suspek ay kinilalang sina alyas “ANNA”, 56 taong gulang, walang asawa, walang trabaho at residente ng nabanggit na lugar. Si alyas Anna ay isa sa mga miyembro ng “Gutierrez Drug Group” at kabilang sa Regional Recalibarted Database on Illegal drugs na target ng tinaguriang COPLAN LADY BUG at si alyas “ELSA”, 55 taong gulang, walang asawa, isang online seller at residente ng Purok 2, Brgy. Mangcamagong, Basud, Camarines Norte.

Ayon sa ulat, matagumpay na nakabili ng isang plastik na pakete ng hinihinalang shabu sa nasabing mga suspek ang operatiba ng pulisya na nakatalagang poseur buyer na sanhi ng pagkakaaresto ng mga ito at pagkakakakumpiska ng malaking halaga ng hindi pa matukoy na timbang ng hinihinalang shabu at ilang piraso ng pekeng pera na nagsilbing boodle money.

Agad namang ipinaalam sa mga ito ang kanilang karapatan bilang akusado at dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital para sa usaping medikal.

Sa kasalukuyan ang mga suspek kasama ng mga nakuhang ebidensya ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng Daet MPS at kakaharapin ng mga ito ang reklamong paglabag sa RA 9165 o COMPREHENSIVE DANGEROUS DRUGS ACT OF 2002.