Dakong 8:40 ng gabi nitong Mayo 19, 2024 nang magsagawa ng search warrant operation ang kapulisan ng Labo Municipal Police Station kasama ang mga tauhan ng CN2NDPMFC na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga baril at hinihinalang iligal na droga sa tinitirhan ng suspek sa Purok 1, Barangay Macogon, Labo, Camarines Norte.
Ang target ng operasyon na kinilalang si alyas “Bobet”, nasa hustong gulang at residente ng nasambit na lugar ay may mga Search Warrant na may numerong 24-D-0106 para sa paglabag sa Section 11 Art II ng RA 9165 at Search Warrant No. 24-D-0107 para sa paglabag sa RA 10591.
Ang nasambit na suspek ay nakaiwas sa pag-aresto sa pamamagitan ng pagtakas matapos na matunugan ang paparating na mga operatiba ng pulisya kasama ng mga opisyales ng barangay at kinatawan ng media.
Sa presensya ng mga mandatory witnesses ay isinagawa ang paghalughog sa tirahan ng suspek kung saan nasamsam ang dalawang katamtamang pakete ng hinihinalang shabu na wala pang tiyak na timbang at halaga, isang .38 calibre na baril na kargado ng anim (6) piraso ng bala, isang (1) Long Rifle with scope na walang bala at isang (1) hand-grenade.
Reklamong paglabag sa RA 9165 at RA 10591 ang inihahanda na ng kapulisan ng Labo MPS laban sa nakatakas na suspek. Samantala, ang mga nakumpiskang ebidensya ay kasalukuyang nasa pangangalaga na ng nasabing himpilan.


Source: CNPPO PIO