ISANG MOTORISTA PATAY, SA AKSIDENTE SA BAYAN NG LABO

ISANG MOTORISTA PATAY, SA AKSIDENTE SA BAYAN NG LABO

Isang lalaking motorista ang binawian ng buhay matapos na maganap ang isang aksidente sa kalsada dakong alas 6:20 ng umaga kanina, Mayo 26, 2024 sa kahabaan ng Maharlika Highway, Brgy. Malancao-Basud, Labo, Camarines Norte.

Kinilala ang biktimang si MICHAEL MORILLO y Canillo, 40 anyos may asawa, isang construction worker at residente ng Villa Angelina, Angono, Rizal. Ayon ulat, sakay ni Michael ang kanyang misis na kinilalang si Michelle Morillo y Casimero, 40 anyos nang maganap ang aksidente na kung saan sumalpok ang motorsiklo sakay ang dalwang biktima  sa kasalubong na pampasaherong jeep na nagmula sa Brgy. Daguit, Labo na patungo sana Labo Terminal. Ang nasambit na galvanized jeep ay minamaneho ni alyas “Ray”, 63 anyos na residente ng P-1 Brgy. Exciban, Labo, Camarines Norte. Sa inisyal na imbestigasyon, habang binabaybay ng motorsiklong minamaneho ni Michael ang kahabaan ng kalsada angkas ang kanyang misis at pagdating sa may kurbadang bahagi ay bigla nitong nasakop ang kabilang linya ng kalsada dahilan upang sumalpok (head-on-collision) ito sa paparating na jeep.

Ang nasambit na aksidente ay nagresulta sa pagkakatamo ni Michael ng malalang pinsala habang ang kanyang asawang si Michelle ay nagtamo rin ng mga sugat sa iba’t ibang parte ng katawan na kaagad na isinugod ng mga tauhan ng MDRRMO-Labo sa Camarines Norte Provincial Hospital sa bayan ng Daet para sa agarang lunas. Sa kasawiang palad, dakong alas 11:08 ng umaga ay idineklarang wala ng buhay ang biktimang si Michael dahil sa natamo nitong malubhang pinsala dulot ng  nasabing aksidente habang ang asawa nito ay patuloy ang gamutan at inoobserbahan sa nasambit na pagamutan. Ang labi ng biktima ay kasalukuyang nasa Belmonte Funeral Homes, Brgy. Pinya, Labo, Camarines Norte. Samantala ang drayber naman ng jeep ay maswerteng nakaligtas sa naganap na aksidente habang ang parehong sasakyan ay nagkaroon ng hindi pa matukoy na halaga ng pinsala at kasalukuyang nasa kustodiya ng Brgy. Council ng  Malancao Basud, Labo, Camarines Norte.

Paalala naman ng pulisya sa mga motorista na maging disiplinado sa pagmamaneho, sundin ang mga traffic regulations at patuloy na mag-ingat lalo’t sa panahon ngayon na pabugso-bugso ang pag-ulan. Ang aksidente ay bigla-bigla na lamang nangyayari, subalit kung tayo ay maagap at alam natin kung paano makakaiwas sa peligro, liliit ang porsyento na tayo ay  maaksidente sa kalsada. Hingiin din palagi ang gabay ng Maykapal sa pang araw-araw nating pamumuhay lalo sa tuwing lalabas ng tahanan at magmamaneho ng anumang uri ng sasakyan.

Source: CNPPO PIO