TANGKANG PAGLUSOB NG TERORISTANG NPA SA PANGKAT NG KAPULISAN NG R-PSB TEAM 1-DAGUIT, LABO, CAMARINES NORTE, NABIGO

TANGKANG PAGLUSOB NG TERORISTANG NPA SA PANGKAT NG KAPULISAN NG R-PSB TEAM 1-DAGUIT, LABO, CAMARINES NORTE, NABIGO

Siyam na buwan na ang nakalipas simula ng mamalagi at manirahan ang mga kapulisan ng Camarines Norte 1st Provincial Mobile Force Company na kabilang sa R-PSB Team 1 kasama ng komunidad sa Brgy. Daguit, Labo, Camarines Norte. Sa kanilang ilang buwang pananatili at pakikisama sa mga mamamayan sa nasabing lugar ay masasabing naging payapa ang lugar at naging maayos ang samahan ng taong bayan at ang ating kapulisan. Patunay rito ang mga inilunsad na programa at ang mga isinagawang proyekto ng nasabing pangkat katuwang ang Barangay Councils and SK officials sa lugar para sa kapakanan ng mamamayan. Kabilang dito ang Pabahay sa Manide, Installation ng mga Solar Lights, Gulayan sa Barangay, pagbuo ng mga purok organizations sectors, partial renovation ng mga Daycare Centers, pagsasagawa ng mga Feeding Programs, Clean-Up Drives, Gift Giving, pagbibigay ng Crime Prevention Lectures, Tanod Trainings, Information Drive, Security Assistance at ang regular na pagbibisita at pakikipag diyalogo sa mga paaralan sa lugar. Patunay lamang ito na ang kapulisan ay seryoso sa kanilang tungkulin na matugunan ang ilan sa mga pangangailangan ng mamamayan sa lugar at patuloy na maprotektahan sa anumang banta ng panganib.

Subalit sa kabila ng pagsusumikap ng kapulisan na magprotekta at makatulong sa mamamayan, bandang alas 7:58 ng gabi nitong June 4, 2024, pinagplanuhan at walang habas na pinaulanan ng bala at pasabog ng mga teroristang NPA ang likurang bahagi ng Brgy. Hall ng Daguit na pansamantalang tinutuluyan ng nasambit na pangkat. Binulabog ng malakas na pagsabog at sunod-sunod na putok ng baril ang payapa at tahimik na barangay na may planong puksain ang kapulisan na ang tanging ninanais lamang ay makapagsilbi ng maayos sa taumbayan.

Umabot ng nasa mahigit isang oras ang pagpapaulan ng putok ng baril sa posisyon ng pulisya na nagmula sa hindi pa matukoy na bilang ng NPA ngunit ang kanilang pagsalakay ay hindi nagtagumpay sapagkat sila ay buong tapang na hinarap ng kapulisan at ipinagtanggol ang kanilang mga sarili sa posibleng kapahamakan.

Habang binabakbakan ng mga miyembro ng NPA ang pangkat ng R-PSB, ay agad na inalerto ni CNPPO Provincial Director, PCOL JOSELITO E VILLAROSA JR., ang mga kapulisan ng buong probinsya ng Camarines Norte. Bigo ang teroristang NPA sa kanilang pagsalakay na may pakay na wasakin at tuldukan ang magagandang programa at proyekto na nasimulan ng PNP sa nasambit na barangay. Ayaw nilang makita na nasa maayos na kalagayan at umaasenso ang isang lugar kung kaya’t pilit nilang hinahadlangan ang mga makabuluhang gawain na ibinibigay ng gobyerno. Walang naiulat na nasaktan sa panig ng pulisya habang wala pang impormasyon mula sa kabilang panig.

Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang isinasagawang clearing operations ng kapulisan ng CNPPO mula sa 1st and 2nd Provincial Mobile Force Company, Labo MPS maging ang mga karatig-bayan matapos ang tangkang paglusob ng NPA.

Ayon kay PCOL VILLAROSA, asahan ng bawat mamamayan na hindi basta mahahadlangan ang mga kapaki-pakinabang na gawain ng inyong kapulisan ng anumang opensiba o masasamang balak ng nasabing grupo. Patuloy na magseserbisyo ng buong tapang at may malasakit ang inyong pulisya at ihahatid ang mga serbisyo mula sa ating gobyerno para sa kapakanan ng mas nakararami. Ang masamang gawain ay kailanma’y hindi magwawagi.

Source: CNPPO PIO