LALAKING TARGET NG SEARCH WARRANT OPERATION, PATAY MATAPOS NA MAKIPAGBARILAN SA MGA OTORIDAD, DALAWA PANG KASAMAHAN NITO ARESTADO

LALAKING TARGET NG SEARCH WARRANT OPERATION, PATAY MATAPOS NA MAKIPAGBARILAN SA MGA OTORIDAD, DALAWA PANG KASAMAHAN NITO ARESTADO

Alas 3:30 ng hapon  Agosto 2, 2024 nang magsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng Camarines Norte Provincial Intelligence Unit (lead unit) katuwang ng Daet MPS at miyembro ng 1st Camarines Norte Provincial Mobile Force Company (CNPMFC) upang ihain ang Search Warrant # D-21-2024 para sa paglabag Section 5 at Section 11 ng R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Actof 2002. Ikinasa ang operasyon sa tahanan ng suspek na kinilala sa alyas na “John”, 24 taong gulang, isang tindero na residente ng Purok 5, Brgy. Lag-on, Daet, Camarines Norte.

Ayon sa ulat na isinumite ng Daet MPS, nagtungo ang mga operatiba sa nasabing residente at pagbukas ng pinto ng suspek at pagkakita nito sa pangkat ng kapulisan na magsisilbi ng search warrant ay agad na bumunot ito ng baril at pinaputukan ang mga operatiba habang papatakas patungo sa gate. Mabilis namang gumanti ng putok ang mga operatiba ng pulisya bilang proteksyon sa kanilang mga sarili kung saan tinamaan ang suspek na naging dahilan ng pagkamatay nito.

 Agad na isinugod ng mga tauhan ng MDRRMO-Daet ang nabaril na suspek sa Camarines Norte Provincial Hospital ngunit ideneklara itong dead on arrival (DOA) ng nakatalagang doktor.  

 Sa pagpapatuloy ng search warrant operation, dalawang lalaking kasamahan ng suspek ang nadatnan rin sa lugar na agad inaresto matapos na makuha sa kanilang pag-iingat ang ilang piraso ng katamtamang laki ng pakete ng shabu na sa kasalukuyan ay wala pang tiyak na timbang at halaga.

Kinilala ang mga ito sa alyas na “Jeff”, 26 taong gulang, binata, isang tindero at residente ng Purok 1, Brgy. Calasgasan, Daet, Camarines Norte at si alyas “Von”, 24 taong gulang, binata, isang tindero, at residente ng Isla Paraiso, Brgy. Bagasbas, Daet, Camarines Norte. 

Ang PNP team, kasama ang mga mandatory witnesses, ay nagpatuloy sa pagsasagawa ng paghahalughog sa lugar alinsunod sa nasabing search warrant na nagresulta sa pagkakasamsam pa ng  isang itim na sling bag na naglalaman ng tatlo pang piraso ng katamtamang laki ng pakete ng shabu.

Samantala, ang dalawang suspek  ay dinala rin sa CNPH para sa usaping medikal bago dalahin sa himpilan ng Daet MPS. Hiningi naman ng Daet MPS ang tulong mula sa mga miyembro ng SOCO team para sa pagproseso sa crime scene at sa narekober na caliber .45 na baril.

Sa kasalukuyan ang dalawang arestado kasama ng mga nakuhang ebidensya ay nasa pangangalaga ng himpilan ng Daet MPS para sa kaukulang disposisyon. Reklamong kriminal naman para sa paglabag sa RA 10591 at Seksyon 11 ng Artikulo II ng RA 9165 ang kasalukuyang inihahanda ng mga imbestigador ng Daet PNP laban sa mga suspek.

 Ayon kay PLTCOL ERROL T GARCHITORENA, JR., bagong upong hepe ng Daet MPS, “Nais naming ipabatid sa inyo na hindi namin kailanman kokonsintihin ang anumang mga ilegal na gawain. Ang pamamahagi at paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay labag sa batas at nagdudulot ng malaking pinsala sa ating lipunan. Ang aming tanggapan ay hindi titigil sa pagpapatupad ng batas upang masugpo ang iligal na droga sa ating lugar. Ang bawat isa sa inyo na sangkot sa mga ganitong aktibidad ay mapapanagot sa inyong mga kilos. Hindi kami mag-aatubili na magsagawa ng mga operasyon at hulihin ang sino mang mahuhuli sa akto ng pagpapakalat o paggamit ng iligal na droga. Hinihikayat namin ang bawat isa na makipagtulungan sa amin upang labanan ang problema ng iligal na droga dito sa bayan ng Daet”.

Source:CNPPO PIO