KILALANG TULAK UMANO NG DROGA, HULI SA BUY-BUST OPERASYON SA LABO, CAMARINES NORTE

KILALANG TULAK UMANO NG DROGA, HULI SA BUY-BUST OPERASYON SA LABO, CAMARINES NORTE

Sa isang matagumpay na buy-bust operation kontra iligal na droga, isang kilalang tulak umano ng droga ang nahuli sa Barangay Malasugui, Labo, Camarines Norte noong,  Agosto 9, 2024, bandang alas-9:10 ng gabi. Ang operasyon ay pinangunahan ng Labo Municipal Police Station (MPS)  katuwang ang mga tauhan ng CNPDEU, CNPIU, at sa pangkalahatang pangangasiwa ni PLTCOL AUGUSTO A. MANILA, Chief of Police, at sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region V.

Ang suspek, na kinilala sa alyas na “Ging,” 33 anyos, at residente ng P-4, Barangay Malasugui, Labo, Camarines Norte, ay nahuli matapos magpositibo ang transaksyon ng pagbebenta ng iligal na droga sa isang operatibang nagpanggap na buyer. Sa isinagawang operasyon, nasamsam mula sa suspek ang isang (1) maliit na plastik na pakete ng hinihinalang shabu na ginamit bilang buy-bust item. Matapos ang transaksyon, agad na inaresto ang suspek at nakuha mula sa kanya ang ilang piraso pa ng maliit na plastik na pakete ng hinihinalang shabu. Nakumpiska rin ang limang daang piso (₱500.00) na ginamit bilang buy-bust money.

Ang suspek at ang mga ebidensyang nakumpiska ay dinala sa Labo MPS para sa masusing imbestigasyon at kaukulang dokumentasyon. Kasalukuyan nang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanya, kabilang ang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165), na magdudulot ng mabigat na parusa kung mapapatunayan.

Sa pahayag ni PLTCOL MANILA, “Ang ating laban kontra iligal na droga ay hindi natatapos sa mga operasyon. Patuloy naming hihikayatin ang ating mga kababayan na makipagtulungan sa amin upang lubos nating mapuksa ang salot na ito na patuloy na sumisira sa kinabukasan ng ating mga anak at komunidad.”

Dagdag pa rito, nananawagan ang PNP sa publiko na ipagbigay-alam sa kanila ang anumang impormasyon ukol sa mga kahina-hinalang aktibidad na may kinalaman sa iligal na droga. Tiniyak nila na ang anumang impormasyon ay mananatiling confidential at magkakaroon ng agarang aksyon upang masiguradong ligtas at payapa ang bawat tahanan.