40 ANYOS NA BABAENG TULAK UMANO NG ILEGAL NA DROGA, ARESTADO, HABANG ISA SA MGA OPERATIBA NG PULISYA SUGATAN SA IKINASANG BUY-BUST OPERATION SA DAET

40 ANYOS NA BABAENG TULAK UMANO NG ILEGAL NA DROGA, ARESTADO, HABANG ISA SA MGA OPERATIBA NG PULISYA SUGATAN SA IKINASANG BUY-BUST OPERATION SA DAET

Matagumpay na naaresto ang isang 40-anyos na babae na matagal ng tulak umano ng ilegal na droga sa isang buy-bust operation na isinagawa ng mga tauhan ng Daet Municipal Police Station  sa pakikipagtulungan ng Provincial Police Drug Enforcement Unit (PPDEU), Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Camarines Norte, at ng Camarines Norte 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC).

Ang operasyon ay isinagawa bandang alas-3:20 ng hapon, Agosto 13, 2024 sa Purok 8, Barangay 1, Daet, Camarines Norte, matapos ang tamang koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region V.

Ang suspek, na kinilala lamang sa alyas na “Tin,” ay 40 taong gulang, may kinakasama, at residente ng nasambit na lugar. Ayon sa ulat, ang nasabing operasyon ay naging matagumpay matapos makabili ang poseur buyer mula sa suspek ng isang plastik na pakete ng hinihinalang shabu, na nagresulta sa kanyang agarang pagkakaaresto.

Nakumpiska mula sa suspek ang sampung (10) pirasong plastik na pakete ng hinihinalang shabu na wala pang tiyak na timbang at halaga. Kasama rin sa nakumpiska ang isang Php 500.00 na marked money na may serial number na AD9735391.

Sa gitna ng pag-aresto sa suspek, inatake ng tatlo sa mga kapitbahay ng suspek ang isa sa mga operatibang nagsisilbing security sa lugar ng operasyon. Agad nilang inagaw ang armas, na nagdulot ng pagputok nito at tinamaan ang nasabing operatiba sa kanang paa nito. Agad itong dinala sa CNPH para sa agarang lunas at kasalukuyang naka-confine doon.

Samantala, ang dalawang suspek na nagtangkang umagaw ng baril ay agad ding naaresto habang ang isa ay nakatakas. Ang tatlong suspek na naaresto ay magkakasamang dinala sa nasambit na ospital para sa kaukulang medikal na pagsusuri bago iproseso.

Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Daet MPS para sa karagdagang imbestigasyon at tamang disposisyon ng kaso. Ang pagkakahuli sa kanila ay isang malaking hakbang tungo sa patuloy na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga sa probinsya.