ISANG LALAKI TIMBOG SA OPERASYON NG BASUD-PNP SA PAGPAPATUPAD NG SEARCH WARRANT

ISANG LALAKI TIMBOG SA OPERASYON NG BASUD-PNP SA PAGPAPATUPAD NG SEARCH WARRANT

Basud, Camarines Norte – Kahapon, Agosto 20, 2024, dakong alas 10:40 ng umaga, nasakote ang isang lalaki sa isinagawang operasyon ng kapulisan ng Basud MPS sa bisa ng isang search warrant. Ang operasyon na isinagawa sa Purok 3, Barangay Pagsangahan, Basud, Camarines Norte, ay naganap sa pakikipagtulungan ng Camarines Norte Police Intelligence Unit (CNPIU), Camarines Norte Police Drug Enforcement Unit (CNPDEU), Regional Police Drug Enforcement Unit 5 (RPDEU5), at 503rd Mobile Company Regional Mobile Force Battalion 5 (503rd MC RMFB5), kasama ang PDEA ROV.

Kinilala ang suspek na si alyas “Palets,” 55 anyos, may asawa, walang trabaho, at residente ng nasabing barangay. Sa bisa ng Search Warrant number D-22-2024, na inisyu ni Hon. Judge Evan D. Dizon ng RTC Branch 40, Daet, Camarines Norte noong Agosto 15, 2024, nahuli ang nasabing suspek.

Sa naturang operasyon, nakumpiska ang ilang pakete ng hinihinalang illegal na droga na wala pang tiyak na timbang at halaga. Ang suspek at mga nasamsam na ebidensya ay nasa kustodiya ng Basud MPS at nakatakdang sampahan ng mga kaukulang kaso.

Sa pahayag ni PMAJ GUIRUELA, “Hindi po titigil ang inyong kapulisan sa pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na droga. Patuloy po kaming magbabantay at magsusumikap upang masiguro ang kapayapaan at kaligtasan ng ating komunidad. Ang kapulisan po ay handang protektahan ang publiko laban sa mga mapagsamantalang tao na nagdudulot ng kapahamakan sa mga gumagamit ng bawal na gamot.”

Ang operasyong ito ay bahagi ng pinalakas na kampanya ng pulisya sa illegal na droga, na naglalayong sugpuin ang paglaganap ng bawal na gamot sa bansa. Sa patuloy na suporta ng komunidad at iba pang ahensya ng pamahalaan, layon ng PNP na mapanumbalik ang kaayusan at kapayapaan sa mga pamayanan.

Source: CNPPO PIO