Setyembre 5, 2024—Isang bangkay ng lalaking lumulutang sa Malatap River sa bayan ng Labo, Camarines Norte, ang natagpuan ngayong hapon, bandang 1:20. Ayon sa ulat, isang residente ng nasabing lugar, ang nakakita sa bangkay habang siya ay nangingisda na agad na ipinaalam ang insidente sa mga awtoridad.
Kinilala ang biktima na si Rodelio Vargas y Reyes, 53 anyos, residente ng Purok 7, Barangay Dumagmang, Labo. Naiulat na nawawala ang biktima noong Setyembre 1, 2024, bandang 4:00 ng hapon, ayon sa pahayag ng Punong Barangay ng Barangay Dumagmang, Labo, Camarines Norte. Huling nakita ang nasambit na biktima na tumatawid sa Tuba River sa Barangay Malaya bago siya naiulat na nawawala.
Positibong kinilala ng mga kamag-anak ang bangkay ng biktima. Sa ngayon, ang mga labi nito ay dinala na sa Belmonte Funeral Homes para sa kaukulang proseso.
Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Labo Municipal Police Station habang hinihintay ang resulta ng post-mortem examination.

