Matagumpay na naisagawa ang isang un buy-bust operation ng pinagsamang pwersa ng Paracale MPS at PDEA Camarines Norte, kasama ang CN PDEU, CN PIU, at CN 2nd PMFC. Ang operasyon ay nagresulta sa pagsasara ng isang drug den at pag-aresto sa tatlong indibidwal sa Purok Kamagong, Barangay Poblacion Norte, Paracale, Camarines Norte.
Ang operasyon laban sa ilegal na droga ay isinagawa bandang 2:41 ng hapon nitong Setyembre 6, 2024. Naaresto ang tatlong suspek matapos makabili ng hinihinalang shabu ang isang operatiba na tumayong poseur buyer mula sa tagapangasiwa ng drug den.
Ang mga naaresto ay kinilalang sina alyas “EDWARD”, 38 taong gulang, alyas “TOPER”, 23 taong gulang, at alyas “FED”, 34 taong gulang, pawang mga residente ng Barangay Poblacion Norte, Paracale, Camarines Norte.
Nakumpiska sa operasyon ang 14 na pirasong selyadong pakete at isang bukas na pakete ng hinihinalang shabu. Ang imbentaryo at pagmarka ng mga ebidensya ay isinagawa sa harap ng mga opisyal ng barangay at kinatawan ng media bilang mga mandatory witnesses.
Samantala, ang mga naarestong indibidwal ay nasa kustodiya ngayon ng Paracale MPS para sa karampatang disposisyon.
“Ang laban sa droga ay laban para sa kaligtasan ng ating mga anak at ng susunod na henerasyon ng Paracale,” pahayag ni PMAJ ARKHEMEDES C GARCIA, Hepe ng Paracale MPS.
Source: CNPPO PIO