Nitong Setyembre 7, 2024, bandang alas-3:30 ng hapon, naiulat ang isang insidente ng pagnanakaw sa isang inuupahang bahay sa Phase II, Greenview Subdivision, Brgy. Camambugan, Daet, Camarines Norte.
Ayon sa biktima, natuklasan niyang pinasok ng mga hindi kilalang suspek ang kanilang inuupahang bahay, at pinaniniwalaan niyang naganap ito noong Setyembre 5 o 6, 2024, habang ang kanilang pamilya ay nasa kanilang permanenteng tirahan sa Poblacion, Paracale, Camarines Norte. Base sa kanyang salaysay, nakapasok umano ang mga suspek sa pamamagitan ng bakanteng espasyo sa air condition steel case na naka-install sa dingding ng kanilang silid.
Pagpasok sa loob, ninakaw ng mga suspek ang isang mini steel vault na naglalaman ng isang piraso ng gold bar na may timbang na mas mababa sa isang kilo, tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php 5,000,000.00. Kasama rin sa mga ninakaw ang 15 kilo ng silver na nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php 750,000.00.
Dagdag pa ng biktima, lumabas ang mga suspek sa likurang pintuan at tumakas sa pamamagitan ng pag-akyat sa perimeter fence ng bakuran. Sa isinagawang ocular inspection ng mga awtoridad, walang nakitang senyales ng puwersahang pagpasok sa mga pinto ng bahay. Subalit, napansin ang butas sa screen door sa likod ng bahay, na nagpapahiwatig ng tangkang pagbukas sa kahoy na pinto. Sa kabila nito, buo pa rin ang doorknob at double lock, kaya’t walang bakas ng matagumpay na puwersahang pagpasok.
Ayon sa pahayag ng Daet PNP masusing iniimbestigahan na ang insidente. “Tinitiyak namin sa publiko na gagawin namin ang lahat upang mahanap ang mga nasa likod ng krimen na ito. Pinaigting na rin namin ang police visibility sa mga residential areas upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari,” ayon kay PLTCOL ERROL T GARCHITORENA, JR hepe ng Daet Municipal Police Station.
Nagpahayag din sila ng panawagan sa publiko na maging mapagmatyag at agad ipagbigay-alam sa mga otoridad ang anumang kahina-hinalang kilos sa kanilang lugar. Hinihikayat din ang mga residente na tiyaking ligtas ang kanilang mga tahanan bago umalis upang makaiwas sa mga ganitong uri ng insidente.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Daet PNP upang matukoy at madakip ang mga suspek.
Source: CNPPO PIO