Labo, Camarines Norte – Isang lalaki ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation laban sa iligal na droga nitong Setyembre 16, 2024, dakong alas-11:00 ng gabi sa P-4, Barangay Dalas, Labo, Camarines Norte.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Labo MPS katuwang ang mga tauhan ng CNPDEU, CNPIU, at CN 2nd PMFC sa ilalim ng pangkalahatang pangangasiwa ni PLTCOL AUGUSTO A. MANILA, Chief of Police. May kaukulang koordinasyon din ito sa PDEA ROV upang matiyak ang tagumpay ng operasyon.
Ang naarestong suspek, na nakilala sa alyas na “Bong,” 42 anyos, may asawa, at residente ng Barangay Tulay na Lupa, Labo, Camarines Norte, ay nahuli matapos na mahuli sa akto ng pagbebenta ng diumano iligal na droga.
Nasamsam sa operasyon ang isang (1) piraso ng katamtamang sukat na selyadong plastik na pakete ng hinihinalang shabu, na nagsilbing buy-bust item. Matapos ang transaksyon, nakumpiska rin sa suspek ang siyam (9) na maliliit na selyadong plastik na pakete ng hinihinalang shabu, kasama ang halagang limang daang piso (P500.00) na ginamit bilang buy-bust money.
Ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Labo MPS at inihahanda ang mga kaukulang kaso na isasampa laban sa kanya.