Paracale, Camarines Norte – Isang insidente ng pamamaril ang naganap sa Barangay Palanas, Paracale, Camarines Norte kahapon, Setyembre 24, 2024, bandang 2:16 PM, na nagresulta sa pagkamatay ng isang PNP personnel at pagkasugat ng isa pang lalaki sa nasabing barangay.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, kinilala ang mga biktima na sina alyas “Boy” 36 taong gulang, may-asawa, residente ng Brgy. Palanas, Paracale at si alyas “Juan”, 45 taong gulang, may-asawa, at nakatalaga sa Regional Intelligence Division 5 (RID5), Camp Simeon Ola, Legazpi City na residente ng Barangay Del Rosario, Mercedes, Camarines Norte.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente habang nagsasagawa ng intelligence gathering sa mga wanted na indibidwal sa lugar ang nasambit na pulis. Isang mainit na pagtatalo umano ang naganap sa pagitan ni alyas “Boy” at ng tatlong suspek, partikular ang suspek na nakilala sa alyas “Loloy”, at dalawang hindi pa nakikilalang kasamahan nito. Ang pagtatalo ay nag-ugat sa hindi pagkakaunawaan sa lupa, kung saan kinukunan ng mga suspek ng video ang diumano’y pag-okupa sa naturang lupain. Pinagalitan umano ni alyas “Boy” ang suspek na si “Loloy” dahil sa pagre-record ng video na nagbunga ng mas matinding away. Tinangka ni “Boy” na kunin ang cellphone na ginagamit sa pagre-record, na nagresulta sa isang sagupaan.
Sa kalagitnaan ng gulo, isa sa mga suspek ang bumunot ng baril at binaril ang biktimang si “Boy”, na tinamaan sa kanyang pantog. Nang makita ni alyas “Juan” ang sitwasyon, nagpakilala siya bilang pulis at sinubukang mamagitan subalit siya ay agad na binaril at tinamaan ng bala sa kanyang sentido, na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay. Ang biktimang si “Boy” naman ay agad na dinala ng kanyang mga kamag-anak sa ospital at sumailalim sa operasyon.
Agad namang tumakas ang mga suspek na si alyas “Loloy” kasama ng kanyang dalawa pang kasamahan patungo sa direksyon ng Purok Maligaya, Brgy. Palanas, Paracale.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa pa rin ang mga operatiba ng Paracale MPS ng dragnet at hot pursuit operations upang madakip ang mga tumakas na suspek. Nakipag-ugnayan na rin sila sa mga kalapit na himpilan ng pulisya at Provincial Mobile Force Companies (PMFCs) upang magpatupad ng mga checkpoint. Samantala, isinagawa ng Camarines Norte Provincial Forensic Unit (CNPFU) ang pagproseso ng crime scene at ang bangkay ng biktimang pulis ay dinala sa Funeraria Belmonte para sa postmortem examination. Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Paracale PNP ukol sa insidente.
“Lubos po ang aming pakikiramay sa naiwang pamilya ng ating kasamahan sa serbisyo, ang buong CNPPO ay nakikidalamhati sa kanyang pagpanaw. Patuloy tayong gagawa ng mga hakbang upang mabigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay. Nananawagan din kami sa publiko na makipagtulungan at magbigay ng anumang impormasyon na makakatulong upang agad nating madakip ang mga nasa likod ng krimeng ito at mabigyan ng agarang hustisya ang sinapit ng mga biktima.” – PCOL JOSELITO E VILLAROSA.
Source: CNPPO PIO