LALAKI BIKTIMA NG PANANAGA, SUSPEK ARESTADO SA BAYAN NG LABO

LALAKI BIKTIMA NG PANANAGA, SUSPEK ARESTADO SA BAYAN NG LABO

Bandang alas-10:00 ng gabi Nitong Setyembre 26, 2024, nakatanggap ng tawag ang Labo MPS mula sa isang concerned citizen.  Ayon sa ulat, may naganap na insidente ng pananaga sa Purok 1, Barangay Calabasa, Labo, Camarines Norte. Agad namang tumugon ang mga tauhan ng Labo MPS upang beripikahin ang nasabing ulat.

Batay sa paunang imbestigasyon, ang biktima ay nakilalang si alyas “Ton”, 32 taong gulang, isang magsasaka at residente ng nasabing lugar. Ang nasambit na biktima ay nagtamo ng malubhang sugat sa kaliwang bahagi ng leeg matapos siyang tagain ng suspek na kinilalang si alyas “Ben” 41 taong gulang, na kapwa rin residente ng Purok 1. Napag-alaman na ang dalawa ay nag-iinuman nang magkaroon ng mainit na pagtatalo. Ayon sa mga saksi, nagsimula ang insidente nang magbitaw ng salitang “wala kang silbi” ang biktima, na nagdulot sa suspek na kumuha ng bolo at biglang tagain ang biktima bago ito tumakas sa di malamang direksyon.

Dinala agad ng pamilya ang biktima sa Camarines Norte Provincial Hospital upang mabigyan ng agarang medikal na atensyon. Samantala, nagsagawa ng malalimang imbestigasyon ang mga tauhan ng pulisya sa lugar ng krimen.

Sa kasalukuyan, naaresto na rin ang suspek, at inihahanda na ng Investigator on Case (IOC) ang mga kinakailangang dokumento upang maisampa ang kaukulang kasong kriminal laban sa kanya.

Source: CNPPO PIO