Sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng PDEA Camarines Norte, Paracale MPS at PNP Drug Enforcement Unit (SOU 5), nahuli ang apat na katao at nabuwag ang isang drug den sa Purok 1, Barangay Tugos, Paracale, Camarines Norte.
Ang operasyon ay isinagawa dakong 4:30 ng hapon noong Setyembre 27, 2024. Sa naturang operasyon, nahuli si alyas “Mel” 57 anyos, residente ng Brgy. Tugos, Paracale, na siyang target ng operasyon at itinuturong tagapamahala ng drug den. Nahuli siya matapos makabili ng isang selyadong pakete ng hinihinalang shabu ang poseur buyer mula sa kanya.
Bukod kay “Mel” nahuli rin sa akto ng paggamit ng ilegal na droga sa loob ng drug den ang tatlong iba pang katao na kinilalang sina alyas “Chito,” 59 anyos, alyas “Ferdy,” 58 anyos, at alyas “Win,” 61 anyos, na pawang mga residente ng Barangay Palanas, Paracale.
Nakumpiska sa operasyon ang labing-isang selyadong pakete at isang bukas na pakete ng hinihinalang shabu na wala pang tiyak na timbang at halaga at ilang drug paraphernalia.
Ang mga naarestong personahe ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA Camarines Norte para sa kaukulang disposisyon.
Source: CNPPO PIO