Daet, Camarines Norte — Isang lalaki ang naaresto sa ikinasang buy-bust operation laban sa iligal na droga ng mga tauhan ng Daet Municipal Police Station, kasama ang Provincial Police Drug Enforcement Unit (PPDEU), Provincial Intelligence Unit (PIU), at Camarines Norte 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC), sa pakikipagtulungan ng PDEA Regional Office V. Ang operasyon ay naisagawa dakong alas-4:20 ng umaga, Oktubre 06, 2024, sa Purok 1, Barangay IV, Daet, Camarines Norte.
Ang suspek ay kinilalang si alyas “EDWIN,” 44 taong gulang, binata, isang driver, at residente ng Purok 3, Barangay IV, Daet, Camarines Norte.
Ayon sa ulat, matagumpay na nakabili ang isang poseur buyer ng pakete ng hinihinalang shabu mula sa suspek. Dahil dito, agad na inaresto ang suspek matapos ang transaksyon.
Narekober sa operasyon ang hindi pa natutukoy na timbang at halaga ng iligal na droga. Ang nasabing operasyon, pati na ang imbentaryo at pagmarka ng mga nakuhang ebidensya, ay nasaksihan ng opisyales ng Barangay IV at isang kinatawan ng media, alinsunod sa itinatakda ng batas.
Ipinaalam din agad sa suspek ang kanyang mga karapatan bilang akusado, at dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital para sa karampatang medical examination.
Sa kasalukuyan, ang suspek ay nasa kustodiya ng Daet MPS para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng mga kaso kaugnay ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Source: CNPPO PIO