Bandang alas 2:30 ng hapon, Oktubre 5, 2024, isang aksidente ang naganap sa bayan ng Labo, Camarines Norte, na nagresulta sa pagkasawi ng isang motorista. Ang aksidente ay kinasangkutan ng isang truck, motorsiklo, at tricycle.
Ang mga sasakyang sangkot ay isang Sniper motorcycle (V1) na minamaneho ni Alyas Jong, 38 taong gulang, residente ng Barangay Pinugay, Baras, Rizal, isang Supremo Tricycle (for hire) na galvanized (V2), na pagmamay-ari ni alyas EMY, 55 anyos at residente ng Purok 4, barangay Anameam, Labo, Camarines Norte at isang Truck Aluminum Wing Van (V3), na minamaneho ni Alyas Oca, 41 taong gulang, at residente ng Barangay San Roque, Gapan, Nueva Ecija.
Ayon sa paunang imbestigasyon, habang binabagtas ang kurbadang bahagi ng kalsada ng minamanehong truck ni alyas Oca (V3) na naglalakbay mula sa bayan ng Labo patungong Maynila ay nawalan ito ng preno at aksidente nitong nabangga/natamaan ang nakaparadang tricycle (V2) sa kalsada na naging dahilan upang mawalan ito ng control at naokupa ang kabilang linya ng kalsada at sumalpok sa kasalubong na motorsiklo (V1) na minamaneho ni alyas Jong.
Bilang resulta, ang lahat ng sasakyan ay nagkaroon ng hindi pa matukoy na halaga ng pinsala at pansamantalang nanatili sa lugar ng insidente. Agad namang isinugod sa Labo District Hospital, Labo, Camarines Norte ang driver ng motorsiklo ng rumespondeng miyembro ng MDRRMO Labo ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician na si Dr Adolfo O Rosales. Agad namang nagsagawa ng follow-up investigation ang imbestigador kaugnay ng nasabing insidente.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng Labo MPS ang OR/CR ng lahat ng sasakyan, driver’s license, at ang driver ng truck para sa kaukulang disposisyon, samantala ang labi ni alyas Jong ay nakalagak sa Funeraria Belmonte, Barangay Pinya, Labo, Camarines Norte. Agad ring nakipag-ugnayan sa pamilya ng biktima upang ipaalam ang nangyaring insidente.
Ang Labo Municipal Police Station ay nagbigay ng paalala sa publiko, partikular sa mga motorista, na maging maingat at responsable sa kanilang pagmamaneho upang maiwasan ang mga ganitong uri ng trahedya.
Ayon kay PLTCOL MANILA, ang pagsunod sa mga batas at regulasyon sa kalsada ay makakatulong sa pagpapanatili ng kaligtasan sa lahat ng gumagamit ng kalsada.
Source: CNPPO PIO