Nitong Oktubre 21, 2024, bandang alas 5:40 ng madaling araw, isang ulat ang natanggap ng Jose Panganiban PNP hotline ukol sa insidente ng pananaksak sa Purok 1, Barangay South Poblacion, Jose Panganiban, Camarines Norte. Ayon sa imbestigasyon ng kapulisan, habang nag-iinuman ang suspek na si alyas “Totoy” at ang biktima na si alyas “Domeng”, sa loob ng isang tent na tindahan ng sari-saring gamit sa bahay, nagkaroon sila ng komosyon.
Matapos magpaalam ang biktima na matutulog na, narinig ng mga saksi ang kanyang mga sigaw, humihingi ng tulong at nagsasabing sinaksak siya ni alyas “Totoy.”
Agad na dinala ang biktima sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklarang dead on arrival (DOA) ng nakatalagang doktor. Ang labi ng biktima ay kasalukuyang nasa Adea Funeral Homes, Barangay Parang, Jose Panganiban.
Samantala, sa isinagawang hot pursuit operation ng kapulisan, naaresto ang suspek na papatakas na sana sakay ng bus. Sa kasalukuyan, ang suspek ay nasa kustodiya na ng Jose Panganiban Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon. Inihahanda na rin ang angkop na kasong isasampa laban sa kanya.
Hinihikayat ng Jose Panganiban PNP ang taumbayan na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan sa bayan sa pamamagitan ng pagsugpo sa kriminalidad at pagbigay ng impormasyon tungkol sa mga taong may kinasasangkutang kaso, upang sila ay mapanagot sa batas.
Source: CNPPO PIO