Labo, Camarines Norte — Isang insidente ng pamamaril ang naganap sa kabundukang bahagi ng Barangay Exciban sa Labo, Camarines Norte, ngayong Nobyembre 3, 2024. Natagpuan ang katawan ng biktimang si alyas “Jose,” 57 anyos, isang magsasaka at residente ng nasabing barangay, bandang alas-7 ng umaga sa naturang lugar. Ang biktima ay natagpuang duguan at wala nang buhay, at may tatlong slugs ng di pa natutukoy na kalibre ng baril na nasa tabi ng kanyang katawan.
Ayon sa ulat, isang barangay kagawad ang unang nakatanggap ng balita tungkol sa insidente at agad niya itong ipinaalam sa Labo MPS bandang alas-10 ng umaga. Rumesponde kaagad ang mga tauhan ng kapulisan sa pangunguna ni PMAJ ARTHUR YANTO, Deputy Chief of Police, upang magsagawa ng imbestigasyon.
Sa paunang imbestigasyon, isang kapwa magsasaka ang nakakita sa biktimang duguan at wala nang buhay habang nagsasaka sila ng niyog.
Ang labi ng biktima ay kasalukuyang nasa Bel Monte Funeral sa Labo, habang patuloy na iniimbestigahan ang insidente upang matukoy ang responsable sa krimen. Nakipag-ugnayan na rin ang Labo MPS sa Provincial Crime Laboratory Office para sa field laboratory work, at sa pamilya ng biktima para sa isasagawang autopsy examination.
Patuloy ang Labo MPS sa pagsasagawa ng follow-up investigation at hot pursuit operation upang makilala ang mga suspek. Humingi rin ang Labo MPS ng tulong mula sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa masusing pagproseso ng crime scene.
Hinihikayat ng Labo MPS ang publiko na makipagtulungan sa kapulisan upang mapanatili ang kapayapaan sa bayan ng Labo.
Ayon kay PLTCOL AUGUSTO A MANILA, COP Labo MPS, “Huwag po tayong mag-atubiling magbigay ng anumang impormasyon na makakatulong upang mapanagot ang suspek sa krimeng ito.”
Source: CNPPO PIO