DAANG LIBONG PISONG HALAGA NG HINIHINALANG ILIGAL NA DROGA, NAREKOBER SA MAGKAKAHIWALAY NA OPERASYON LABAN SA ILIGAL NA DROGA SA CAMARINES NORTE; APAT KATAO, ARESTADO

DAANG LIBONG PISONG HALAGA NG HINIHINALANG ILIGAL NA DROGA, NAREKOBER SA MAGKAKAHIWALAY NA OPERASYON LABAN SA ILIGAL NA DROGA SA CAMARINES NORTE; APAT KATAO, ARESTADO

Camarines Norte – Apat na katao ang nahuli at dinala sa kustodiya ng mga awtoridad matapos magsagawa ng tatlong magkakahiwalay na operasyon laban sa iligal na droga sa iba’t-ibang lugar sa probinsya ng Camarines Norte ngayong araw, Nobyembre 7, 2024.

Ang mga operasyon ay isinagawa ng mga kapulisan sa pakikipagtulungan ng Camarines Norte Provincial Drug Enforcement Unit (CN PDEU), Provincial Intelligence Unit (PIU), at iba pang mga ahensya ng law enforcement sa ilalim ng koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ROV.

Unang naaresto si alyas “JEPOY,” isang binata at residente ng Purok-4, Barangay Bautista, Labo, Camarines Norte. Dakong ala 1:42 ng umaga, isang drug buy-bust operation ang isinagawa ng Labo Municipal Police Station (MPS) na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek at ang pagkakarekober ng mga iligal na droga.

Dakong alas 2:50 ng umaga, isang 48-anyos na babae at residente ng Purok-4, Barangay Camambugan, Daet, Camarines Norte, ang nahuli sa isang buy-bust operation ng Paracale MPS, katuwang ang CN PDEU, PIU, at 2nd PMFC.

Samantala, dalawang katao ang nahuli sa isang hotel sa Barangay Mancruz, Daet, Camarines Norte, bandang alas 4:50 ng umaga. Ang mga suspek, na kinilala bilang alyas “ALLONG,” 26 anyos, at residente ng Barangay Calasgasan, Daet, Camarines Norte na isang miyembro ng Factor/Rey Guttierez Drug Group at isang High Value Target, at si alyas “ANA anyos,” 21, at residente ng barangay Itomang, Talisay, Camarines Norte.

Ang mga suspek ay nahuli matapos makabili ang mga nakatalagang poseur-buyer ng mga heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu. Matapos ang pagkakaaresto, isinagawa ang paghahanap at pag-iimbentaryo sa mga nakuhang ebidensya. Sa tatlong magkakahiwalay na operasyon, narekober ang tinatayang daang libong pisong halaga ng hinihinalang iligal na droga.

Ang mga operasyon ay isinagawa alinsunod sa mga legal na proseso at ang mga nakuhang ebidensya ay nasaksihan ng mga opisyales ng barangay at mga kinatawan ng media, ayon sa itinatakda ng batas. Ipinaalam din agad sa mga suspek ang kanilang mga karapatan, at sila ay dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital para sa karampatang medical examination.

Sa kasalukuyan, ang mga suspek ay nasa kustodiya ng mga humuling himpilan at inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa mga susunod na hakbang at legal na aksyon.