Sa isang matagumpay na buy-bust operation kaninang alas-5:10 ng hapon, Nobyembre 20, 2024, nasamsam ang iligal umano na droga, baril, at bala sa Barangay Poblacion Norte, Paracale, Camarines Norte. Pinangunahan ito ng pinagsanib na puwersa ng Paracale Municipal Police Station sa ilalim ng pamumuno ni PMAJ ARKHEMEDES C GARCIA, katuwang ang Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), Provincial Intelligence Unit (PIU), Camarines Norte 2nd Provincial Mobile Force Company, RPDEU, PNP DEG SOU5, PDEA RSET, at PDEA Camarines Norte.
Naaresto ang suspek na kinilala sa alyas na “Manny,” 26 taong gulang, residente ng Barangay Iberica, Labo, Camarines Norte.
Nakumpiska mula sa operasyon ang hindi pa matukoy na timbang at halaga ng hinihinalang shabu. Bukod dito, nasabat rin ang isang cal. 38 revolver na may anim na bala. Ang pag-iimbentaryo ng mga ebidensya ay isinagawa sa presensya ng halal na opisyal ng barangay, at kinatawan ng media.
Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Paracale Municipal Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon. Kasalukuyang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa suspek para sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ang inyong Pulis Bantayog ay nananatiling determinado sa laban kontra iligal na droga at patuloy na nananawagan sa publiko na makipagtulungan upang sugpuin ang pagkalat nito sa komunidad.

Source: CNPPO PIO

