Sa isang matagumpay na buy-bust operation na isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng Daet MPS (lead unit), katuwang ang PPDEU/CNPIU at PDEA ROV, isang babaeng itinuturing na High Value Individual mula Muntinlupa City ang naaresto. Ang operasyon ay isinagawa ganap na alas-9:27 ng umaga nitong Nobyembre 25, 2024, sa Purok 1, Barangay Magang, Daet, Camarines Norte.
Nakilala ang suspek na si alyas “Nane,” 35 taong gulang, walang asawa, at residente ng Barangay Joaquin, Alabang, Muntinlupa City.
Ayon sa ulat, matagumpay na nakabili ang poseur buyer mula sa suspek ng isang plastik na pakete ng hinihinalang shabu. Agad na dinakip si alyas “Nane” matapos ang bentahan.
Kasalukuyan pang tinutukoy ang bigat at halaga ng nakumpiskang hinihinalang iligal na droga. Ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan bilang akusado bago siya dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital para sa kinakailangang medikal na pagsusuri.
Ang suspek ay nasa kustodiya na ng Daet MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon ng kaso.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang tukuyin ang iba pang posibleng sangkot sa operasyon ng iligal na droga.
Source: CNPPO PIO