LALAKI, ARESTADO SA BUY-BUST OPERATION; HINIHINALANG SHABU AT BARIL NASAMSAM

LALAKI, ARESTADO SA BUY-BUST OPERATION; HINIHINALANG SHABU AT BARIL NASAMSAM

DAET, CAMARINES NORTE – Isang lalaki ang naaresto sa ikinasang buy-bust operation laban sa iligal na droga ng pinagsanib na pwersa ng Daet Municipal Police Station (MPS), Provincial Police Drug Enforcement Unit (PPDEU), at Camarines Norte Provincial Intelligence Unit (CNPIU), ayon sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region V, nitong Nobyembre 24, 2024, bandang alas-3:05 ng hapon sa isang Memorial Park na matatagpuan sa  Purok 3, Barangay Mancruz, Daet, Camarines Norte.

Ang suspek ay kinilala bilang si alyas “TARUK,” 40 taong gulang, isang tricycle driver, naninirahan sa Purok 3, Barangay IV, Daet, Camarines Norte, at may permanenteng address sa Purok 6, Barangay Parang, Jose Panganiban, Camarines Norte. Siya ay nakatala bilang miyembro ng Factor/Gutierrez criminal group, at itinuturing na High-Value Individual (HVI) 

Sa isinagawang operasyon, matagumpay na nakabili ng hinihinalang shabu ang poseur buyer mula sa suspek, na agad na nauwi sa kanyang pagkakaaresto. Nasamsam mula sa kanya ang hindi pa natutukoy na bigat at halaga ng iligal na droga, at hinihinalang calibre .22 rebolber na may pitong bala.

Ang pag-iimbentaryo at pagmamarka ng mga nakuhang ebidensya ay isinagawa sa harap ng mga opisyales ng barangay at kinatawan mula sa media, alinsunod sa mga umiiral na protocol.

Ang suspek ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng Daet MPS para sa dokumentasyon at karampatang disposisyon ng kaso.

Patuloy na pinaaalalahanan ng PNP ang publiko na makipagtulungan sa kampanya laban sa iligal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.

Source: CNPPO PIO