Isang lalaki ang naaresto sa ikinasang buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng Daet Municipal Police Station katuwang ang Provincial Police Drug Enforcement Unit at Camarines Norte Provincial Intelligence Unit, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region V.
Ang operasyon ay isinagawa bandang alas-11:10 ng gabi nitong Disyembre 3, 2024, sa isang hotel, sa Barangay Gubat, Daet, Camarines Norte.
Ang suspek ay kinilalang si alyas “Dondon,” 50 taong gulang, may asawa, at residente ng Barangay Bautista, Labo, Camarines Norte. Ayon sa ulat, matagumpay na nakabili ang poseur buyer mula sa suspek ng isang pakete ng hinihinalang shabu, na naging dahilan ng kanyang agarang pag-aresto.
Nakumpiska sa operasyon ang hindi pa natutukoy na bigat at halaga ng hinihinalang iligal na droga. Ang imbentaryo at pagmarka ng mga nakuhang ebidensya ay isinagawa sa harap ng mga opisyal ng Barangay Gubat at isang kinatawan ng media.
Kaagad namang ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan at dinala siya sa Camarines Norte Provincial Hospital para sa kaukulang medikal na pagsusuri.
Sa kasalukuyan, ang suspek ay nasa kustodiya ng Daet MPS para sa karampatang dokumentasyon at disposisyon ng kaso.
![](https://camnortenews.com/wp-content/uploads/2024/12/IMG_20241204_104635.jpg)
Source: CNPPO PIO