IMBAKAN NG MGA ARMAS, NAREKOBER SA LABO, CAMARINES NORTE

IMBAKAN NG MGA ARMAS, NAREKOBER SA LABO, CAMARINES NORTE

Matagumpay na narekober ng mga kasundaluan ayon sa koordinasyon sa iba’t-ibang yunit ng PNP ang isang imbakan ng armas sa Purok 6, Barangay Exciban, Labo, Camarines Norte. Isinagawa ang operasyon bandang alas-9:00 ng umaga noong Enero 9, 2025, sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang yunit ng AFP at PNP.

Sa operasyon, narekober ang iba’t ibang klase ng armas at pampasabog, kabilang ang dalawang Browning .30 caliber machine guns, apat na M16 A1 rifles, dalawang M14 rifles, dalawang M203 grenade launchers, at dalawang daang bala ng 5.56mm ammunition. Nakuha rin ang isang improvised explosive device (IED), dalawampu’t dalawang IED hand grenades, isang roll ng detonating cord, anim na long magazines, at apat na short magazines.

Ang operasyon ay isinagawa batay sa impormasyong ibinahagi ng isang dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) na boluntaryong sumuko sa mga awtoridad. Dahil dito, naging matagumpay ang pagsugpo sa posibleng banta sa seguridad ng probinsiya.

Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng Labo Municipal Police Station ang kaso at nakikipag-ugnayan sa mga katuwang na yunit ng AFP para sa follow-up operations. Ang mga narekober na ebidensya ay nasa pangangalaga na ng Philippine Army para sa dokumentasyon at karagdagang pagsusuri.

Ang tagumpay ng operasyon ay patunay ng bisa ng intelligence-driven operations at matibay na koordinasyon sa pagitan ng PNP, AFP, at komunidad. Layunin nitong mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan sa probinsiya ng Camarines Norte.

Nanawagan si PLTCOL JIM V JEREMIAS sa publiko na patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon na maaaring makatulong sa pagsugpo ng krimen at iba pang banta sa seguridad. Ang sama-samang pagkilos ang susi sa tagumpay ng ating misyon para sa ligtas at payapang komunidad.

Source: CNPPO PIO