Isang lalaking myembro ng Gutierrez/Factor Drug Group ang kalaboso matapos itong masabat sa ikinasang buy-bust operation laban sa iligal na droga ng mga tauhan ng Jose Panganiban Municipal Police Station, katuwang ang Camarines Norte Provincial Drug Enforcement Unit at Provincial Intelligence Unit ayon sa koordinasyon sa PDEA ROV dakong 7:50 ng gabi nitong Pebrero 4, 2025 sa Brgy. Larap, Jose Panganiban, Camarines Norte.
Ang suspek ay nakilalang si alyas na “AL”, 54 taong gulang, may asawa, at residente ng Barangay Gubat, Daet, Camarines Norte.
Ayon sa report, matagumpay na nakabili ang nakatalagang poseur buyer sa nasabing suspek ng pakete ng hinihinalang shabu, dahilan upang agad arestuhin ang suspek.
Kumpiskado sa operasyon ang hindi pa matukoy na bigat at halaga ng iligal na droga. Ang isinagawang operasyon, imbentaryo at pagmarka sa mga nakuhang ebidensya ay nasaksihan ng opisyales ng barangay at kinatawan ng media.
Samantala, ang nasabing suspek ay kasalukuyang nasa kostudiya ng Jose Panganiban MPS para sa kaukulang pagdodokumento at disposisyon.

Source: CNPPO PIO