Isang operasyon laban sa iligal na droga ang isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng Daet MPS, Camarines Norte Intelligence Unit/Provincial Police Drug Enforcement Unit (CNIUP/PPDEU), at Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office V (PDEA ROV). Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakaaresto ng isang babae sa pamamagitan ng buy-bust operation.
Sinagawa ang operasyon bandang 8:48 ng gabi nitong Pebrero 10, 2025, sa isang hotel sa Barangay Mancruz, Daet, Camarines Norte. Kinilala ang suspek na si alias “Iya,” 31 taong gulang, residente ng Trese Bliss, Barangay Magang, Daet, Camarines Norte, at kabilang sa Drug-Related Data Integration and Generation System.
Sa isinagawang operasyon, matagumpay na nakabili ang isang operatiba mula sa suspek ng isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, na naging dahilan ng kanyang agarang pag-aresto.
Patuloy pang tinutukoy ang eksaktong bigat at halaga ng nakumpiskang hinihinalang iligal na droga. Ang isinagawang operasyon, pati na ang imbentaryo at pagmarka sa mga ebidensiya, ay isinagawa sa presensya ng isang opisyal ng Barangay Mancuz at isang kinatawan mula sa media upang matiyak ang transparency at pagsunod sa tamang legal na proseso.
Matapos ang pag-aresto, ipinaalam agad sa akusado ang kanyang mga karapatan at dinala siya sa Camarines Norte Provincial Hospital para sa kaukulang medikal na pagsusuri. Sa kasalukuyan, ang suspek ay nasa pangangalaga ng Daet MPS para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.



Source: CNPPO PIO