LALAKING MOST WANTED SA BAYAN NG BASUD, BOLUNTARYONG SUMUKO SA MGA OTORIDAD

LALAKING MOST WANTED SA BAYAN NG BASUD, BOLUNTARYONG SUMUKO SA MGA OTORIDAD

Isang lalaking nakatala bilang Municipal Most Wanted Person sa bayan ng Basud ang boluntaryong sumuko sa mga otoridad bandang 1:00 PM ng Pebrero 20, 2025 sa himpilan ng Basud Municipal Police Station sa Purok Yakal, Brgy. Poblacion 2.

Kinilala ang akusado bilang si alyas “Oming”, 51 taong gulang, may asawa, isang magsasaka, at residente ng Basud, Camarines Norte. Siya ay may nakabinbing mandamiento de aresto para sa iba’t ibang kaso, kabilang ang dalawang (2) bilang ng Rape through Sexual Assault alinsunod sa RA 8353 at RA 11648 na walang piyansa, isang (1) bilang ng Rape through Sexual Assault na may piyansang PHP 200,000, at limang (5) bilang ng Acts of Lasciviousness na may kaugnayan sa Art. 336 ng Revised Penal Code at Sec. 5(b) ng RA 7610 at RA 11648, na may piyansang PHP 108,000 bawat kaso.

Ang mga nabanggit na kaso ay inisyu ni Hon. Evan D. Dizon, Presiding Judge ng RTC Branch 40, Daet, Camarines Norte noong Pebrero 17, 2025.

Sa pamamagitan ng masusing koordinasyon at patuloy na pagsisikap ng Basud MPS, matagumpay na naisuko ng akusado ang kanyang sarili sa mga alagad ng batas, bilang tugon sa kanilang kampanya laban sa mga most wanted persons sa rehiyon.

Sa ngayon, ang nasabing suspek ay nasa kustodiya ng Basud MPS para sa nararapat na disposisyon at pagsasagawa ng mga kaukulang proseso alinsunod sa batas.

Patuloy na hinihikayat ng Camarines Norte Police Provincial Office ang publiko na makipagtulungan sa mga otoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon na maaaring makatulong sa pagsugpo ng kriminalidad sa lalawigan.

Source: CNPPO PIO