Dalawa ang kumpirmadong nasawi habang tatlo ang sugatan sa isang aksidente sa kalsada na naganap nitong Pebrero 22, 2025, bandang alas-6:00 ng gabi sa Purok 2, Barangay Sta. Rosa Sur, Jose Panganiban, Camarines Norte. Naiulat ang nasabing insidente sa himpilan ng Jose Panganiban Municipal Police Station bandang alas-6:30 ng gabi ni Barangay Kagawad Barrameda kung kayat agad na rumesponde ang kapulisan.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jesusa De Guzman, 44 taong gulang, at ang kanyang 5-taong gulang na anak na babae. Samantala, sugatan naman si Maribeth Bombita, 37 taong gulang, pati na rin ang driver ng motorsiklong Honda Beat na si alyas MJ, 17 taong gulang, binata, at ang kanyang backride na menor de edad na lalaki.
Ayon sa paunang imbestigasyon, tumatawid sa kalsada sina Jesusa at ang kanyang anak nang mabangga sila ng motorsiklong minamaneho ni alyas MJ. Dahil sa lakas ng impact, nawalan ng kontrol ang motorsiklo at bumangga rin kay Maribeth, na noon ay nasa gilid ng kalsada.
Lahat ng mga biktima ay nagtamo ng matinding pinsala at agad na isinugod ng MDRRMO sa Jose Panganiban Primary Hospital. Sa kabila ng agarang medikal na atensyon, idineklarang dead on arrival si Jesusa ng attending physician. Inilipat naman ang iba pang biktima sa Provincial Hospital sa Daet, Camarines Norte para sa mas masusing gamutan. Hindi naman naisalba ang buhay ng 5-taong gulang na bata, na binawian ng buhay habang ginagamot.
Patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Jose Panganiban MPS upang matukoy ang iba pang detalye ng insidente. Pinapayuhan naman ang publiko na palagiang mag-ingat sa kalsada upang maiwasan ang ganitong uri ng insidente.



Source: CNPPO PIO