4 KATAO, NALAMBAT SA ANTI-ILLEGAL DRUGS OPERATIONS NG KAPULISAN NG CNPPO

4 KATAO, NALAMBAT SA ANTI-ILLEGAL DRUGS OPERATIONS NG KAPULISAN NG CNPPO

Apat na indibidwal ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon laban sa iligal na droga na isinagawa ng mga awtoridad sa Camarines Norte nitong Marso 12, 2025.

Daet, Camarines Norte – Isang search warrant operation ang ikinasa ng pinagsanib na pwersa ng SOU Intel Operatives PDEG (Lead Unit), Daet MPS, Camarines Norte Provincial Intelligence Unit/Provincial Police Drug Enforcement Unit (CNPIU/PPDEU), at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bandang alas-8:05 ng umaga sa Purok 4, Brgy. Gahonon, Daet, Camarines Norte.

Kinilala ang target ng operasyon na si alyas “Noy”, 42-anyos, walang trabaho, at kabilang sa talaan ng PNP bilang High Value Individual (HVI) pagdating sa iligal na droga.

Ipinatupad sa kanya ang Search Warrant No. 2025-007 na inisyu ni Hon. Rene Morallo De La Cruz, Executive Judge ng RTC 5th Judicial Region, Branch 5, Daet, Camarines Norte, noong Marso 4, 2025.

Sa operasyon, nakumpiska ang ilang piraso ng marijuana sticks, mga pakete ng hinihinalang shabu, at iba pang drug paraphernalia. Ang isinagawang imbentaryo ay ginawa sa harap ng mga opisyal ng barangay at kinatawan ng media upang matiyak ang transparency ng proseso.

Dakong alas-4:52 naman ng hapon, isang drug buy-bust operation ang isinagawa sa Purok 3, Brgy. V, Daet, Camarines Norte sa pangunguna ng Daet Municipal Police Station (lead unit) at CNPIU/PPDEU, sa pakikipagtulungan sa PDEA ROV.

Naaresto ang suspek na si alyas “Ben”, 40-anyos, walang asawa, walang trabaho, at residente ng nasabing lugar.

Ayon sa ulat, matagumpay na nakabili sa suspek ang poseur buyer ng isang plastik na pakete ng hinihinalang shabu, na naging hudyat para sa kanyang agarang pag-aresto.

Nakumpiska sa kanya ang hindi pa matukoy na dami ng hinihinalang shabu at isang pakete ng marijuana.

Ang suspek ay nasa kustodiya ngayon ng Daet MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

VINZONS, CAMARINES NORTE – Sa bayan ng Vinzons, Camarines Norte, isang tulak ng droga ang nahuli sa drug buy-bust operation ng Vinzons MPS katuwang ang PDEA RO5.

Naganap ang operasyon bandang alas-10:07 ng gabi sa Purok 6, Brgy. Calangcawan Sur, Vinzons, Camarines Norte.

Kinilala ang suspek, 37-anyos, binata, at residente ng Purok 3, Brgy. 5, Daet, Camarines Norte.

Ayon sa ulat, isang poseur buyer ang nakabili sa suspek ng isang plastik na pakete ng hinihinalang shabu, na nagresulta sa kanyang agarang pagkakaaresto.

Kasama sa nakumpiska ang ilang pakete pa ng hinihinalang shabu, na kasalukuyang inaalam pa ang eksaktong timbang at halaga.

Ang operasyon ay isinagawa sa presensya ng mga opisyal ng barangay at kinatawan ng media upang matiyak ang transparency. Inihahanda na ng Vinzons MPS ang kasong paglabag sa RA 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” laban sa suspek.

Labo, Camarines Norte- Sa bayan ng Labo, isang drug pusher ang nahuli sa buy-bust operation na isinagawa ng kapulisan bandang alas-10:40 ng umaga sa Purok 3, Brgy. Bautista, Labo, Camarines Norte.

Kinilala ang suspek na si alyas “Jun”, 35-anyos, binata, walang trabaho, at residente ng Purok 4-A, Brgy. Dalas, Labo, Camarines Norte.

Sa nasabing operasyon, nasamsam ang ilang pirasong pakete ng hinihinalang shabu na kasalukuyang tinutukoy pa ang timbang at halaga. Isinagawa ang operasyon sa presensya ng mga mandatory witnesses upang masiguro ang transparency.

Ang suspek ay nasa kustodiya na ng Labo MPS habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya.

Magpapatuloy ang iba’t ibang operasyon ng kapulisan ng CNPPO laban sa iligal na droga at kriminalidad sa ilalim ng direktiba ng PRO5, sa pangunguna ni PBGEN ANDRE PEREZ DIZON, Regional Director.

Source: CNPPO PIO